Pinahintulutan ng Senado na mailipat na sa Department of Justice (DOJ) ang kustodiya ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Engineer Henry Alcantara—matapos siyang ma-contempt sa Senado noong 2025.
Sa muling pagbabalik ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sa isyu ng flood control projects nitong Lunes, Enero 19, 2026, pormal na pinayagan ni Senate President Vicente “Tito” Sotto III ang hiling ng DOJ na mailipat sa kanila ang kustodiya ni Alcantara.
“Sama n’yo na pag-alis n’yo kung gusto n’yo,” ani Blue Ribbon Committee Chair Sen. Ping Lacson.
Saad naman ni SP Sotto, “The chairman is already agreeing, I don’t think anyone will object.”
“If the Chair of the Senate Blue Ribbon Committee so desires so, then we will take necessary appropriate action to take him into our custody,” tugon ng DPWH.
Matatandaang kabilang si Alcantara sa ilang indibidwal na nakapasok sa witness protection program ng DOJ. Habang bigo namang nakapasok dito ang mga kapuwa niya dating Bulacan engineers na sina Bryce Hernandez at Jaypee Mendoza.
Samantala, kaugnay ng witness protection program, nilinaw ni Sen. Lacson na hindi pa raw huli ang lahat para kina Mendoza, Hernandez at kontraktor na si Curlee Discaya na maging kwalipikado rito.
“I’ve been informing them na hindi pa naman huli ang lahat. And the committee maybe even recommend to the Senate President, once they fully cooperate and help the investigation…,” saad ni Lacson.
Si Curlee at Sarah Discaya ay kabilang sa mga kontraktor na pumaldo ng mga kontrata sa gobyerno, kabilang na ang maanomalyang flood control projects.
Habang ang mga dating tauhan naman ng DPWH na nabanggit ay ang mga indibidwal na nagsiwalat ng nangyayaring kickback umano ng kanilang ahensya kasabwat ang ilang mga senador at kongresista.