Sumuko na si dating Senador Bong Revilla Jr. kasunod ng kaniyang warrant of arrest at hold departure order na inilabas ng Sandiganbayan kaugnay ng kasong non-bailable malversation na may kinalaman sa isang maanomalyang flood control project, Lunes, Enero 19, 2026.
Bago tuluyang sumuko sa Sandiganbayan nitong Lunes ng gabi, naglabas ng pahayag si Revilla sa pamamagitan ng isang video na ipinost sa kaniyang Facebook account.
"Nakatanggap po kami ng impormasyon na lumabas na ang aking warrant of arrest," panimula ng dating senador.
"Nakakalungkot po parang wala yatang due process. Pero gayunpaman, haharapin ko ito nang walang takot at alam kong hindi ako pababayaan ng Diyos dahil wala po akong kasalanan dito,” dagdag pa niya.
Tanging panalangin lamang ang hinihiling ngayon ni Revilla.
"Humihingi ako ng panalangin. Patatagin Niya rin po ang aking pamilya. Hindi ko po maipaliwanag ang nararamdaman ko sa totoo lang. Napakasakit po para sa akin at para sa aking pamilya," ayon pa sa kaniya.
Sa huli ay nagpasalamat siya sa lahat.
Matatandaan noong Setyembre 2025, nauna nang pinabulaanan ni Revilla ang mga paratang na ibinabato sa kaniya kaugnay ng umano’y iregularidad sa maanomalyang flood control project
"Ayon kay [dating DPWH] Usec. [Roberto] Bernardo ang GAA insertions noong 2024 na nagkakahalaga ng P300M ay para kay Senator Ramon "Bong" Revilla Jr. na noon ay kumakandidato bilang senador para sa 2025 senatorial elections," saad ng dating DPWH District Engineer na si Henry Alcantara.
Maki-Balita: 'Wala akong kinalaman diyan!' basag ni Revilla sa pasabog ni Alcantara