January 26, 2026

Home BALITA National

Marcoleta, Fadullon nagkasagutan dahil sa restitution ni Discaya para sa WPP

Marcoleta, Fadullon nagkasagutan dahil sa restitution ni Discaya para sa WPP
Photo courtesy: Senate of the Philippines (YT)

Tila nagkainitan sa gitna ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee sina Sen. Rodante Marcoleta at Department of Justice (DOJ) Prosecutor General Richard Fadullon dahil sa umano’y restitution o pagbabalik ng ninakaw ng mag-asawang kontratista na sina Curlee at Sarah Discaya para mapasailalim ng Witness Protection Program (WPP). 

Ayon sa naging pagdinig ng SBRC nitong Lunes, Enero 14, isinalaysay ni Curlee Discaya ang umano’y paghihingi sa kanila sa ahensya ng DOJ ng restitution para maproseso ang aplikasyon nilang mapasama sa WPP. 

“Kung magkano po muna ang rerestitute po namin. Ako po, hindi ko po masabi kung magkano po kasi para sa akin po, parang kami po ang nanakawan,” pagsisimula ni Discaya. 

Dagdag pa niya, “Parang ang ibig sabihin, parang modern day na pagnanakaw. Ibig sabihin, ‘yong nakaw ba, siya pa ang magbibigay ng pera doon sa ninakawan niya? Parang ganoon po.” 

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Pagtatanong naman ni Marcoleta sa kontratista, “Dahil wala kang maibigay, hindi ka niya ipo-process under the Witness Protection Program. Is that not correct?” 

Ani Marcoleta, ang mag-asawang Discaya raw ang nauna noong mag-apply para sa WPP ngunit paano ‘yon mapoproseso kung sinasabi daw ng DOJ na kailangan muna nilang isuli ang kanilang ninakaw. 

“Ito si Mr. Discaya, he was the first saka ‘yong asawa niya, who applied under the WPP. the problem is, ang sabi ng dating DOJ secretary, ‘Aba, hindi. Kinakailangan ay isuli muna ‘yong mga pinagnanakaw. Hindi pupuwedeng ganoon-ganoon lang,’” aniya. 

“Papaano ngayon siya mapo-process if that was dangled. Papaano siya mapo-process to begin with?” kuwestiyon pa ni Marcoleta. 

Matapos nito, humiling naman si Fadullon kay Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na sagutin ang katanungan ni Marcoleta. 

Paliwanag ni Fadullon, kasinungalingan daw ang sinabi ni Discaya at idiin niyang kailangan daw nila noong malaman ang mga gusto, kayang sabihin, at patunayan nila Discaya bago iproseso ang kanilang hiling na sumailalim sa WPP. 

“Mr. Chair, una sabihin ko lamang po na kasinungalingan po ‘yong sinasabi ni Mr. Discaya na agad-agad silang sinabihan na magsuli ka. Ang pinag-uusapan po dito, bago man lang makapagsabi ng ganoon, kailangan munang makita kung ano ang gusto at kayang sabihin, at patunayan ni Mr. Discaya at ni Mrs. Discaya doon sa kanilang salaysay,” sagot ni Fadullon. 

Patuloy pa niya, “Pero hindi po sila nakikipag-ugnayan sa Department [of Justice] kaya hindi po sila mabigyan ng kaukulang proteksyon at hindi po ma-process ’yong kanilang application.” 

Ayon pa kay Fadullon, hindi raw noon kailanman lumapit sina Discaya sa DOJ upang mag-apply ng WPP. 

“‘Yong sinasabi po ni Mr. Discaya from the hearing of November 14 in the Senate Blue Ribbon Committee, [there] was never a chance and or an opportunity that Mr. Discaya and or counsel even approached the Department [of Justice]...” pagtatapos niya. 

MAKI-BALITA: DOJ, nilinaw pagdadaanan ng aplikasyon ng mga Discaya sa witness protection program

MAKI-BALITA: ‘Shut the F up!’ Sen. Ping, minura skeptics, hijackers na nananamantala sa galit ng Pinoy sa flood control mess

Mc Vincent Mirabuna/Balita