Sa mundong laging nagmamadali,
Saan nga ba hihinto para huminga?
Araw-araw tila may hinahabol,
Parang tayo ang nauubos.
Nakakapagod sa trabaho,
Gigising at uuwing pagod.
Nakakapagod sa pag-aaral,
Kahit ibigay na ang lahat, parang tayo pa rin ang bagsak.
Kapayapaan ba ang tawag kapag tahimik ang paligid?
Ngunit pagod na pagod ang loob?
Pahinga ba kung ang mata'y nakapikit, ang isip nama'y gising?
Paano hahanapin ang katahimikan kung sarili ang kalaban araw-araw?
Saan matatagpuan ang kapayapaan?
Sa katahimikan ba ng kwarto o sa gitna ng ingay ng mundo?
Saan matatagpuan ang kapayapaan?
Kapag ba tahimik na ang paligid? O kapag tumigil na ang laban?
Paano lalapit sa Diyos kung parang ang layo-layo Niya?
Paano mananalangin kung ang puso ay puno ng reklamo?
Paano mananatili kung ang bibig ay ubos na sa papuri?
Paano magtitiwala kung paulit-ulit na nadadapa?
Hanggang saan ang kapayapaan?
Hanggang dulo ng kontrol natin o sa simula ng pagsuko?
Ah, baka roon sa huling tanong…
Ang totoong kapayapaan,
Hindi sa paghawak nang mahigpit, kundi sa pagbitaw
Hindi sa pagtakbo nang palayo, kundi sa paglapit
Sa Diyos na matagal nang naghihintay sa atin.
Kapayapaan ng Niya’y hindi nangangakong walang laban,
Kundi nangangakong hindi na mag-iisa.
Lumapit tayo sa Kaniyang presensya, hindi para takasan ang mundo,
Kundi para maalala kung sino tayo bago tayo napagod.
May pahinga at kapayapaang hindi pinipilit,
May kapayapaang dumarating kapag piniling magtiwala.
Niyayakap Niya tayo nang dahan-dahan, tapat, at walang panunumbat.
At dito sa piling ng ating Pastol, nananahan ang kapayapaan.
Sa Kaniyang piling,
Kahit sugatan, pagod, at tahimik
Tayo ay ligtas at payapa.
“Huwag kayong mabagabag, at huwag kayong matakot, dahil iniiwan ko sa inyo ang kapayapaan. Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo. Hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo." - Juan 14:27
"Panginoon, bigyan nʼyo nang lubos na kapayapaan ang taong kayo lagi ang iniisip dahil nagtitiwala siya sa inyo. Magtiwala kayong lagi sa Panginoon, dahil siya ang ating Bato na kanlungan magpakailanman." Isaias 26:3-4
---
Iba pang Ka-Faith Talks:
#KaFaithtalks: Puro blessings ang gusto, pero good steward ka ba?
#KaFaithTalks: Susunod ka pa rin ba sa Panginoon kahit mahirap?