January 24, 2026

Home BALITA National

Curlee Discaya, kaladkad; 2 saksi, binuking umano'y pagbili ni Romualdez ng property sa Makati

Curlee Discaya, kaladkad; 2 saksi, binuking umano'y pagbili ni Romualdez ng property sa Makati
Photo courtesy: Screenshot from Senate of the Philippines (FB)/via MB

Naimbitahan sa Senado ngayong Lunes, Enero 19, ang dalawang babaeng testigong magpapatunay raw na may koneksyon sa isa't isa sina Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez at contractor na si Curlee Discaya, kaya nakabili raw ang una ng bahay at lupa sa isang exclusive subdivision sa Makati City.

Parehong nakatakip ang mga mukha, lumutang sina "Maria" at "Joy" na nagtatrabaho raw bilang office staff sa isang nagngangalang Rico Ocampo na dating tenant ng isa sa mga bahay at lote sa South Forbes Park, na nabili umano ni Romualdez noong Abril 2023.

Positibong tinukoy ng dalawang babaeng testigo si Curlee Discaya na kontratistang tumulong kay Romualdez para mapasakamay ang property. Ipinakilala umano sa kanila si Discaya ng isang nagngangalang TJ Conti, isang broker, noong Pebrero 1, 2024.

Nakatanggap umano sila ng email na kailangang January 31, 2024 ay nakaalis na sila sa nabanggit na property dahil nabili na raw ito. Sa sobrang dami raw ng mga gamit nila, hindi raw sila nakapag-evict agad mula sa nabanggit na bahay kaya humingi pa raw sila ng extension. Pinagbigyan daw sila hanggang Pebrero 3, 2024.

National

'Fruits of hardwork!' Sen. Estrada, ikinatuwa ₱800 umento sa sahod ng mga kasambahay

Itinuro naman ng dalawa si Discaya na siyang nakaharap nila nang puwersahan daw silang i-evict sa dating bahay ng kanilang boss, na umano'y nabili na nga.

Nabanggit daw ni Discaya na siya ang contractor at may deadline din silang sinusunod.

"Si Romualdez ang nakabili," saad umano ni Discaya.

Itinanggi naman ni Discaya ang mga paratang laban sa kaniya ng dalawang testigo, dahil hindi pa raw siya nakakapasok sa South Forbes Park. Nabanggit din ng kontratista na hindi pa niya nakikita kung anong uri ng mga bahay ang mayroon sa nabanggit na subdibisyon, at wala pa siyang nakausap na kahit na sinong broker mula roon. Takot daw siyang bumili ng lupa sa lugar na iyon, dahil ang kaya lamang daw niyang bilhin ay mga lupa sa Pasig.

Samantala, wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Romualdez tungkol dito.