Nagbigay na umano ng public apology si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa negosyanteng si Enrique ”Ricky” Razon ayon sa mamamahayag na si Ramon Tulfo.
Sa isang Facebook post ni Tulfo nitong Lunes, Enero 19, sinabi niyang sumalang sa podcast nila si Barzaga at dito humingi ng dispensa.
“The controversial young lawmaker made the public apology in my TNT (Tito Mon and Torni Clint) podcast with lawyer Clint Aranas,” saad ni Tulfo sa caption.
Dagdag pa niya, “Barzaga said he was willing to face the consequences of his misdemeanor.”
Sa ngayon, sinusubukan na raw ni Tulfo hingin ang reaksiyon ni Razon hinggil dito ngunit lagi umanong busy ang cellphone nito.
Matatandaang idinawit ni Barzaga si Razon sa umano’y talamak na koruspiyon sa House of Representatives.
Kaya naman naghain ng reklamong two counts of cyber libel ang kampo ng negosyante laban sa kongresista noong Miyerkules, Enero 14.
KAUGNAY NA BALITA: 'Two counts pa!' Enrique Razon, sinampolan ng cyber libel case si Rep. Barzaga