Hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Sec. Jonvic Remulla ang publiko na magreklamo hinggil sa mga lokal na opisyal na lalabag sa kanilang “anti-epal” rule.
Sa press briefing nitong Lunes, Enero 19, 2026, iginiit ni Remulla na may mga kasong administratibong maaaring ibala laban sa mga politikong mananatiling bida-bida sa mga government-fun projects.
“May mga administrative cases na puwedeng i-file sa kanila at maaaring mapatawan from preventive suspension to suspension,” anang DILG Secretary.
Ang anti-epal ay isang tuntuning nagbabawal sa mga politiko na ibalandra ang kanilang mga pangalan, mukha, larawan o logo sa mga proyektong mismong ang gobyerno ang nagtatag o nagpondo.
Ayon pa kay Remulla, ang mga reklamong ikakasa laban sa mga epal na politiko au dapat paring dumaan sa tamang proseso—batay na rin sa Republic Act No. 7160 o Local Government Code (LGC) of 1991.
Samantala, paglilinaw naman ni DILG-National Operations Office Director Dennis Villaseñor, ang mga reklamo laban sa mga elected barangay officials kagaya ng Sangguniang barangay members at sangguniang kabataan ay maaaring ihain sa sangguniang panlungsod o sangguniang bayan.
Habang reklamo naman sa barangay captain ay maaaring umakyat sa Office of the Ombudsman.
Bunsod nito, iginiit ni Villaseñor na hindi maaaring magsampa ng reklamo nang sabay sa Ombudsman at sangguniangpanglunsod.
“Kung nai-file ninyo po sa parehong forum, sa aming pananaw, baka madi-dismiss lang po iyan dahil magiging forum shopping,” ani Villaseñor.