January 24, 2026

Home BALITA National

Bamboo-made desks, ipamimigay ng DepEd kapalit ng mga luma at sirang upuan at mesa

Bamboo-made desks, ipamimigay ng DepEd kapalit ng mga luma at sirang upuan at mesa
Photo courtesy: DepEd via MB

Ipamimigay na ng Department of Education (DepEd) ang bamboo-made school furnitures sa unang bahagi ng 2026 bilang pamalit sa mga luma at sirang mga upuan at mesa sa mga classroom. 

Ayon sa pahayag ng DepEd nitong Lunes, Enero 19, isasagawa ang pamamahagi sa ilang piling pampublikong paaralan mula Pebrero hanggang Marso, kung saan, ang mga mag-aaral ay makakatanggap ng 144,081 set ng mga mesa at upuan; at 3, 235 naman para sa mga guro. 

Ang inisyatibang ito ay alinsunod sa 15-taong gulang na polisiya sa ilalim ng Executive Order (EO)  No. 879, s. 2010, na nagsasabing 20% ng school furniture ay dapat gawa sa bamboo o kawayan. 

“Matagal na itong polisiya. Pero, ngayon ay binibigyang-buhay natin ito. For the first time in history, naipatutupad na natin ang mandatory 20% bamboo allocation sa school furniture,” saad ni DepEd Sec. Sonny Angara. 

National

'Fruits of hardwork!' Sen. Estrada, ikinatuwa ₱800 umento sa sahod ng mga kasambahay

“Gusto naming ipakita na puwedeng maging matibay, sustainable, at de-kalidad ang school furniture para sa ating learners at teachers. Kasabay nito, napo-promote din natin ang Tatak Pinoy, na matagal na nating isinusulong—isang pagkilala sa galing at husay ng mga Pilipino,” aniya pa. 

Mga proyekto para sa hinaharap

Binanggit din sa pahayag na nagpapatuloy ang DepEd sa pagpapalawak at pagpapabuti ng mga pasilidad sa mga paaralan, at sa kasalukuyan, 5,766 na mga classroom ang ginagawa sa ilalim ng For Issuance of Special Allotment Release Order (FISARO) Batch 1, na nagkakahalaga ng ₱ 16.19 bilyon. 

Mula rin daw sa pondo na ito, layon ng DepEd na maipatayo ang 2,333 Learning Continuity Spaces (LCS) na may halagang ₱ 3.5 bilyon; pati na rin ang 1,333 LCS na nagkakahalagang ₱ 2 bilyon sa ilalim ng Disaster Preparedness and Response Program (DPRP).

Ayon pa kay Angara, isa pa sa kanilang mga prayoridad ang pagpapatayo ng 800 classroom para sa last mile schools na nagkakahalaga ng ₱ 3 bilyon at 1,300 karagdagang classroom na may aprubadong Program of Works, na nagkakahalaga rin ng ₱ 3 bilyon. 

Sa ilalim ng FISARO Batch I, ang DepEd ay naglaan ng ₱ 3.69 bilyon para sa 24,424 na mga mesa at upuan ng mga guro at 1,099,111 naman para sa mga mag-aaral sa buong bansa. 

Sa ilalim naman ng FISARO Batch 2, naglaan ang ahensya ng ₱ 11.35 bilyon para sa pagkumpleto ng 2,067 classrooms; pagkukumpuni 11,886 classrooms, at panunumbalik ng 258 Gabaldon school buildings. 

Bukod pa rito, mayroon ding nagkakahalagang ₱ 500 milyon na pondo sa pagpapatayo ng health facilities sa mga paaralan. 

Sa pagtatapos ng pahayag, tiniyak ni Angara ang maayos na paggamit ng pondong inilaan sa DepEd para mabigyan ng mabilis at epektibong solusyon ang mga kakulangan sa pasilidad ng mga paaralan sa buong bansa. 

“Malinaw ang direksyon natin ngayong taon. Patuloy nating tinutugunan ang kakulangan sa pasilidad ng mga paaralan sa buong bansa. Gagamitin natin nang maayos ang pondong inilaan sa atin para makapagbigay ng mas mabilis at mas epektibong solusyon—para sa kapakanan ng ating mga guro at mag-aaral,” pagtitiyak ng Kalihim. 

Sean Antonio/BALITA