Napasakamay ng isang estudyante sa Canumay Elementary School sa Antipolo, Rizal ang scholarship grant na aabot sa ₱220,000 ang halaga.
Sa ibinahaging social media post ni Antipolo City Mayor Jun Ynares nitong Lunes, Enero 19, kinilala ang mag-aaral na si Marian San Jose, ikatlo sa apat na anak ng amang on-call construction worker at inang manggagapas ng damo.
Mababasa rin sa post na pinagkakasya lamang ng 6 na indibidwal para sa kanilang pagkain at panggastos sa eskuwelahan ng mga bata ang pinagsamang kita ng dalawa—na tinatayang aabot lang sa humigit-kumulang ₱4,000 kada buwan.
Sa kasamaang palad, madalas umanong kapusin ang pamilya, kung kaya’t may mga pagkakataong pumapasok si Marian nang walang baon.
Ngunit dahil sa kagustuhang makatapos, tinitiis na lamang daw ito ng mag-aaral—na nagdulot naman ng maganda dahil siya ay isang “consistent achiever” bunsod ng kaniyang matataas na grado.
Pero kahit pagod na sa mga gawaing pampaaralan, hindi naman daw nakakalimutan ni Marian na tumulong sa mga gawaing bahay—tulad ng pagbabantay sa kaniyang nakababatang kapatid.
Dahil dito, napili si Marian ng Canumay Elementary School - School Parent-Teacher Association (SPTA) bilang “Natatanging Mag-aaral Awardee.”
Para sa kaniyang Senior High School, ₱60,000 ang kaniyang matatanggap; samantalang ₱160,000 naman para sa kaniyang apat na taon sa kolehiyo (₱40,000 kada taon, depende sa mapipili niyang kurso at paaralan).
Ayon pa kay Ynares, ang kuwentong ito raw ni Marian ay nagtuturo ng isang importanteng leksyon—na ang kahirapan ay hindi kailanman hadlang para makamit ang pangarap.
Aniya pa, ito raw ay nagsisilbing lakas at inspirasyon upang pag-igihan ang lahat ng ginagawa.
Saludo raw ang buong pamahalaang panlungsod sa pagsisikap at katatagang mayroon si Marian.
Siniguro din nilang kasama sila ng mag-aaral upang matupad nito ang mithiing maging guro sa hinaharap.
Matatandaang kamakailan, kinilala rin bilang “Natatanging Mag-aaral Awardees” ang dalawang mag-aaral na anak ng isang kasambahay at ng mag-asawang security guard at labandera.
MAKI-BALITA: KILALANIN: Estudyanteng nakatanggap ng P220,000-worth ng scholarship-Balita
MAKI-BALITA: Anak ng kasambahay, nakatanggap ng ₱220,000 halaga ng scholarship!-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA