January 26, 2026

Home FEATURES Human-Interest

ALAMIN: Mga Pangulo ng Pilipinas na sinupalpal ng impeachment complaints

ALAMIN: Mga Pangulo ng Pilipinas na sinupalpal ng impeachment complaints

Umugong ang umano’y nilulutong impeachment complaint laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., nitong Lunes, Enero 19, 2026, nang tuluyang ikinasa at inihain ni House Deputy Minority Leader Pusong Pinoy Party-List Rep. Jett Nisay ang nasabing reklamo laban kay PBBM.

Hindi na lingid ang konsepto ng impeachment sa bansa dahil sa nagdaang mga panahon, magkakaibang matataas na opisyal ang nakatikim nito—habang ang iba naman ay masuwerte namang nakatakas mula rito.

Sa kasaysayan, pitong mga dating Pangulo ng bansa ang minsan na ring sinupalpal ng impeachment complaints, ngunit naging mailap na sila ay tuluyang ma-impeach mula sa kanilang posisyon.

Elpidio Quirino

Human-Interest

ALAMIN: Paano ititigil ang procrastination?

Si dating Pangulong Elpidio Quirino ang kauna-unahang Presidente ng Pilipinas na hinainan ng impeachment complaint noong 1949. Ayon sa mga ulat, inakusahan si Quirino ng maling paggamit ng pondo ng pamahalaan at maging sa pondo ng pagpapagawa ng Malacañang. Subalit, hindi na umakyat sa impeachment court ang nasabing reklamo matapos itong i-dismiss ng Congressional Committee dahil umano sa “lack or merit.”

Diosdado Macapagal

Taong 1964 naman nang tangkain ding mapatalsik sa puwesto si dating Pangulong Diosdado Macapagal dulot ng mga alegasyong ilegal na rice importation, ilegal na pag-dismiss ng mga opisyal at paggamit umano sa militar upang ma-intimidate ang oposisyon. Subalit, nai-dismiss din ito sa Congressional Committee.

Ferdinand Marcos, Sr.

Isang taon bago siya mapatalsik sa pamamagitan ng EDSA People Power I, tinatayang nasa 56 na mambabatas ang nagkasa ng impeachment complaint laban kay dating Pangulong Ferdinand Marcos Sr. Laman ng impeachment case ang mga reklamong graft at economic plunder—ngunit mabilis itong ibinasura ng National Assembly bunsod umano ng kawalang ebidensya.

Corazon Aquino

Dalawang taon matapos siyang mailuklok bilang Presidente, naharap din sa impeachment complaint si dating Pangulong Corazon Aquino dulot ang alegasyong graft na malinaw daw na paglabag sa 1987 Constitution. Subalit kagaya ng mga nagdaang impeachment complaint sa mga Pangulo, naibasura rin ito dahil sa kawalan pa rin ng ebidensya.

Joseph Estrada

Taong 2000 naman nang naharap sa impeachment complaint si dating Pangulong Joseph Estrada matapos ang dalawang taon niyang panunungkulan. Umakyat ito sa Senado at nabuo ang impeachment court. Ito rin ang nagsiklab ng EDSA People Power II dahilan upang siya ay mapatalsik sa puwesto.

Gloria Macapagal Arroyo

Napunta naman kay dating Pangulong Gloria Macapagal Arroyo ang may pinakamaraming impeachment attempts sa mga taong 2005, 2006, 2007 at 2008. Ang naturang mga reklamo ay nag-ugat pa rin sa kontrobersiyal na 2004 Presidential election—subalit, ang pawang impeachment complaints ay agad na kinitil sa Congressional Committee.

Benigno “Noynoy” Aquino III

Taong 2014 naman nang maharap sa tatlong impeachment complaints si dating Pangulong Benigno Aquino III kaugnay ng maanomalyang Disbursement Acceleration Program (DAP). Sa botong 54-4 sa Kamara ay naibasura rin ang mga reklamo laban sa kaniya.

Rodrigo Duterte

Bunsod ng madugo niyang kampanya kontra droga, taong 2017 naman ng ibala ang unang impeachment complaint laban kay dating Pangulong Rodrigo Duterte—ngunit sa pamamagitan ng unanimous vote sa Kamara, mabilis na naibasura ang nasabing reklamo.

Ngayong si PBBM naman ang nakatanggap ng impeachment complaint sa kauna-unahang pagkakataon—nakaabang ang taong bayan kung uusad nga rin ba ito o kung kukumporme na lamang sa mga naging daan ng nakalipas na mga administrasyon.