Ibinahagi ng komedyanteng si "Uldario Molina, Jr." o mas kilala bilang "Negi" ang kaniyang pinagdaanan noong bata pa lamang siya, bago siya naging komedyante at mapag-alaman ang tunay niyang sekswalidad, sa panayam ni Toni Gonzaga sa "Toni Talks."
Sey ni Negi, bata pa lamang daw siya, alam na niyang "girl at heart" siya dahil kapag humaharap siya sa salamin, nakikita raw niya ang sarili niyang magiging nanay siya at magkakaroon ng walong anak.
Siya lang daw ang beki sa mga barakong magkakapatid kaya naman kinagagalitan siya ng ama noon pa man, lalo na kapag sinusundo na siya noon ng mga kaibigan.
Isa pa sa mga hindi malilimutang sandali at karanasan ni Negi ay nang ingudngod daw siya sa inidoro ng ama at paluin.
"One time nanood ako ng amateur [pageant], so nakalimutan ko na may lipstick ako sa bag. Nakita ng tatay ko, pinalo talaga 'ko, nginudngud ako sa inidoro, promise, akala siguro dumi ako," nagbibiro pang pag-amin ni Negi.
"Promise, hindi ko makakalimutan 'yon!" sundot pa ni Negi.
"'Yong hanger, nagiging hair pin na lang, nauubos sa katawan ko 'yon," hirit pa ni Negi, na tumutukoy daw sa pagpalo sa kaniya.
Pag-amin ni Negi, habang lumalaki raw siya, talagang nagkaroon siya ng sama ng loob sa tatay niya. Nakaramdam daw siya ng galit sa tatay niya sa panahong lumalaki siya.
Pero ngayon daw na matanda na siya, na-realize daw ni Negi na iyon lang daw siguro ang naging paraan ng tatay niya sa disiplinang nais ibigay sa kaniya.
Nagbiro pa si Negi na kaya raw siguro siya binubugbog ng tatay niya dahil sa pagiging beki niya, ay dahil beki rin siya.
Saka lang daw umokay ang relasyon nila ng tatay niya nang magkasakit na ito.
Kuwento pa ni Negi, galit daw siya sa tatay niya noon kaya umaalis siya ng bahay lagi, hanggang sa lumayas na siya sa poder ng amo sa edad na 18, dahil lagi raw siyang nasasaktan.
"Binuhay ko 'yong sarili ko habang lumalaki," aniya.
Nag-reconnect sila ng tatay niya nang mawala na ang nanay ni Negi.
"Umuwi na ako sa amin dahil bedridden na 'yong tatay ko, may sakit na siya na diabetes," aniya.
Hindi raw alam ng tatay niya na siya ang nagbibigay ng financial support para sa hospitalization niya.
Nang tanungin ni Toni kung bakit hindi alam, sinabi ni Negi na hindi raw niya pinasabi sa tatay niya. Nang mga sandaling iyon, lahat daw ng gadgets niya ay naibenta niya para madala sa ospital ang tatay.
Nang malaman daw ng tatay niya ang ginawa niya, pinasalamatan daw siya nito, at doon daw nawala ang namuong galit sa puso niya laban dito, at mas minahal pa niya.
Hindi raw niya narinig ang salitang "sorry" mula sa tatay niya, pero lagi raw niyang naririnig mula sa kaniya ang pahayag na "Nak, magpahinga ka naman."
Ipinagpapasalamat daw ni Negi ang mga pinagdaanan niya sa tatay niya, dahil naging strong independent person siya.
Kung may bagay naman daw siyang pinagsisihan, ito ay hindi na niya naparanas sa nanay niya ang mga bagay na gusto pa sana niyang iparanas, kagaya ng paggo-grocery, pagta-travel sa ibang bansa, pagkain sa labas, o pagbili ng mga alahas at iba pang gusto nito, dahil sa pagkamatay nito.