Pinatawan ng show cause order ang enforcer ng Land Transportation Office (LTO) matapos maispatang nagtatago habang nanghuhuli ng mga motorista sa Taytay, Rizal.
Sa latest Facebook post ng LTO Calabarzon noong Sabado, Enero 17, ipinag-utos ni Regional Director Elmer J. Decena na imbestigahan ang naturang empleyado matapos kumalat ang larawan nito sa social media.
“Hindi natin kinukunsinti ang anomang kilos na maaaring magbigay ng maling impresyon sa publiko,” saad ni Decena.
Dagdag pa niya, “Ang mga kawani ng LTO ay inaasahang kumilos nang may propesyonalismo, integridad, at malinaw na pagsunod sa itinakdang alituntunin sa pagpapatupad ng batas-trapiko.”
Batay sa inilabas na show cause order, binigyan ng pagkakataon ang enforcer na makapagpaliwanag kung bakit hindi siya dapat managot sa nangyari.
Tiniyak naman ni Decena na patuloy paiigtingin ang disiplina at pananagutan sa lahat ng empleyadong kanilang nasasakupan.
“Ang anomang paglabag, lalo na yaong may epekto sa tiwala ng mamamayan, ay agad naming tinutugunan,” dugtong pa niya.