Usap-usapan ang patutsada ng aktor na si Boom Labrusca, tatay ng hunk actor na si Tony Labrusca, hinggil sa isang hindi tinukoy na fiesta.
Saad niya sa Facebook post noong Sabado, Enero 17, tila pinapasaringan niya ang ilang mga nakikisayaw sa isang partikular na fiesta na kinakailangan pang maghubad.
Mababasa sa post, "If sayaw dahil fiesta sayaw lang kaw naman may santo tapos huhubad ka haysss Wrong venue kid."
Photo courtesy: Screenshot from Boom Labrusca/FB
Bagama't hindi tinukoy kung anong pista ito, nagkataon namang araw ng Lakbayaw Festival sa Tondo, Maynila noong Sabado, o lakbay-sayaw para sa pista ng Santo Niño.
Narito ang ilan sa mga reaksiyon at komento ng netizens sa comment section ng post niya.
"And to think na pista ng batang santo"
"tapos kaldag Ng kaldag"
"Sa totoo lang..."
"Lapag mo na yan bradr hahaha"
"Dalhin yan sa homecoming"
"Date nman walang ganyan..yung atensyon tuloy ng mga tao npupunta s mga ngsasayaw d dun s sto niño."
"Totoo naman to, bale yung pawis na katawan nalang ng mga sumasayaw yung nagiging atraksyon ng Tondo hindi yung mismong fiesta. Lumalabas nalang talaga totoong motibo ng mga taong pumupunta jan. Mahiya kayo at matuto rumespeto."
"Nilalako ganun kasimple. Kung maayos to magisip bakit kelangan pa magbuhad? Kung debuto ka igagalang mo at maging disente. Sa kilos at gawa. Iba kc minamarket nila its too obvious, exposure for other agendas."
"Hunghanghits!"
Pero isang netizen naman ang tila bumarda kay Boom.
"Marunong ka pa sa tao," anang netizen.
Na sinagot naman ni Boom, "yan tyo eh."
Agad namang nagbiro at humirit ng sorry ang nabanggit na netizen.
Photo courtesy: Screenshot from Boom Labrusca/FB
ANG LAKBAYAW FESTIVAL
Tuwing ikatlong linggo ng Enero, kasunod ng Pista ng Jesus Nazareno sa Quiapo, muling nabubuhay ang isa pang mahalagang pagdiriwang sa kalendaryong panrelihiyon ng Maynila—ang Kapistahan ng Santo Niño sa Tondo, Manila.
Isa sa mga pinakainaabangang bahagi ng selebrasyon ang Lakbayaw Festival, ang tradisyunal na prusisyon na ginaganap sa bisperas ng pista. Mula ito sa dalawang salitang "Lakbay" at "Sayaw."
Sa makukulay na lansangan ng Tondo, isinasabay sa pagparada ng mga imahen ng Santo Niño ang masiglang tugtog at indak ng mga kalahok, na nagbibigay-buhay at sigla sa komunidad.
Bukod sa masasarap na handa na iniaalay ng mga residente para sa mga deboto at bisita, tampok din sa pagdiriwang ang makapukaw-pansing street dance ng iba't ibang grupo, batay sa kanilang edad, kasarian, at iba pa.
Isa na riyan ang sama-sama at sabay-sabay na paghataw ng kalalakihang hubad-baro.
Kapansin-pansin ang husay at enerhiya ng mga lalaking mananayaw—karamihan ay nakahubad pang-itaas—na nagiging sentro ng atensyon hindi lamang sa aktuwal na araw ng pista kundi maging sa mga rehearsal pa lamang.
Sa mga nagdaang pagsasanay, ilang performers na ang namukod-tangi at agad na naging usap-usapan, dahilan upang mas lalo pang dayuhin ng publiko ang street dance ng Santo Niño de Tondo.
Para sa marami, ang Lakbayaw ay hindi lamang palabas kundi isang patunay ng masiglang pananampalataya, kultura, at sama-samang diwa ng mga taga-Tondo; isang pagdiriwang na kapwa nagpapabusog sa tiyan at nagpapaligaya sa paningin.
Sa kabilang banda, nagpaalala na noong 2024 ang Archdiocesan Shrine of Santo Niño - Tondo Manila tungkol sa wastong pagdiriwang ng Lakbayaw., sa pamamagitan ng kanilang opisyal na pahayag.
Anila, nilinaw nilang hindi nila kinukunsinti ang pagsasayaw ng mga walang pang-itaas, at kung magkakaroon man daw ng pagpapakita ng debosyon sa Santo Niño, nararapat daw na ito ay nakalulugod pa rin sa paningin ng Diyos.
Nitong 2026, sinabi ni Basilica-Rector and Parish Priest Rev. Msgr. Geronimo F. Reyes, JCD na kailangan daw panatilihin ang proper decorum at pananamit sa pagdiriwang ng kapistahan.
“Ang Lakbayaw Procession ay isang banal na paglalakbay ng pasasalamat at handog-puri sa Mahal na Poong Santo Niño. Inaanyayahan ang lahat ng deboto at mananampalataya na makiisa nang may kaayusan, disiplina, at paggalang sa kilos, pananalita, at pananamit bilang pagpapahayag ng ating tunay na debosyon,” pahayag ni Reyes, batay sa ulat ng ABS-CBN News.
“Ang lahat ng lalahok sa Lakbayaw Procession ay buong paggalang na hinihikayat na magsuot ng disente, maayos, at angkop na kasuotan bilang pagpapahayag ng ating paggalang sa kabanalan ng pagdiriwang at sa Banal na Poong Santo Niño,” dagdag pa niya.
Basahin: 'Ang sarap este sayang makisayaw!' 'Lakbayaw hotties' na agaw-eksena sa pista ng Tondo