January 26, 2026

Home BALITA Politics

Extended? Suspensyon kay Rep. Barzaga, posibleng pahabain pa ng nakaambang 2nd ethics complaint

Extended? Suspensyon kay Rep. Barzaga, posibleng pahabain pa ng nakaambang 2nd ethics complaint
Photo courtesy: via MB

Maaari pa raw mapahaba ang suspensiyon ni Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga sa House of Representatives kung sakaling maisampa ang ikalawang ethics complaint kaugnay ng mga umano’y aksiyong ginawa niya matapos ipataw ang naturang parusa sa kaniya.

Sinabi ni Tingog Party-list Rep. Jude Acidre na ang kasalukuyang suspensiyon ni Barzaga, na inaasahang magtatapos sa unang bahagi ng Pebrero, ay saklaw lamang ng mga paglabag na nakapaloob sa unang ethics complaint na inihain laban sa kaniya.

Ayon kay Acidre, ang mga posibleng paglabag na ginawa umano ni Barzaga matapos ipataw ang suspensiyon ay hindi awtomatikong kasama sa kasalukuyang kaso.

“Unless there’s a new ethics complaint again that would fall (under any violation). But definitely, yung ginawa niya after na-impose yung una niya suspension, will be taken into consideration should a 2nd ethics complaint be filed,” pahayag ni Acidre.

Politics

Torre kinarga ang 'sexy misis,' hinikayat tumakbo sa 2028

Umani ang usapin ng ikalawang reklamo matapos ang pahayag ni National Unity Party (NUP) chair at Deputy Speaker Ronaldo Puno na nanawagan ng mas mabigat na parusa laban kay Barzaga, kabilang ang posibleng pagpapatalsik nito sa Kamara.

KAUGNAY NA BALITA: 'I-expel na rin!' Congressmeow, nakaambang tuluyang ma-elbow sa Kamara

Nauna nang nagbabala si Puno na ang patuloy na mga akusasyon ni Barzaga laban sa kapwa mambabatas ay maaaring maglantad sa kanya sa iba’t ibang kaso, kabilang ang libel, na hiwalay sa internal disciplinary process ng House of Representatives.

“I’ve heard yesterday that they have the intention of filing kasi yung last niyang sinabi ‘see you in court,’ maybe more than just an Ethics complaint, also possible legal action against suspended congressman Kiko Barzaga,” dagdag ni Acidre.

Samantala, nakapaghain na ng reklamo sa cyberlibel ang negosyanteng si Enrique Razon laban kay Barzaga. Inakusahan umano ng mambabatas si Razon ng panunuhol sa ilang miyembro ng Kamara upang matulungan si Leyte 1st District Rep. at dating Speaker Martin Romualdez na manatili sa speakership ng ika-20 Kongreso.

Sa reklamong inihain ni Razon sa Makati City Prosecutor’s Office, humihingi siya ng hindi bababa sa ₱100 milyon bilang moral damages at ₱10 milyon bilang exemplary damages.

KAUGNAY NA BALITA: 'You still want more?' Rep. Barzaga binengga si Razon sa pa-₱100M danyos kahit 'richest man' na!

Sa kasalukuyan, nagsisilbi si Barzaga ng 60-araw na suspensiyon dahil sa umano’y paglabag sa House code of conduct at Republic Act No. 6713, kabilang ang mga itinuturing na nakakasakit na social media posts at umano’y magulong asal sa mga sesyon ng plenaryo.