Hanggang saan ang kaya mong gawin upang hindi ka iwanan ng iyong pinakamamahal? Handa ka bang magpakadesperada at magpakatanga para lang manatili siya?
Ito ang nagawa ng isang anonymous citizen dahil sa labis niyang pagmamahal para sa kaniyang kasintahan.
Ayon sa isang viral Facebook post na ibinahagi ng isang anonymous sender sa pahinang “Midkn1GHT 2.0,” nangyari daw iyon isang hapon nang siya ay masinsinang kinausap ng kaniyang boyfriend sa bahay nito.
“Isang hapon ‘yon. Mainit, maalinsangan, at ramdam ko na may masamang mangyayari. Nasa bahay ako ng boyfriend ko, nakaupo sa monoblock na parang inaantay ang hatol ng korte. Siya naman, seryosong-seryoso, nakasandal sa pader na parang bida sa teleseryeng ‘Maghihiwalay Tayo Ngayon’,” panimula niya.
“Sabi niya, ‘Pwede ba tayong mag-usap?’ Ay naku. Yan na. Yan na yung linyang sumisira ng relasyon, pamilya, at self-esteem ng babae. Umupo siya sa harap ko, malalim ang buntong-hininga. ‘Matagal ko na ‘tong iniisip…’,” pagkukuwento niya.
Aniya pa, “Sa isip ko: Lord, wag po. May binatog pa ako sa tiyan. Tuloy siya: ‘Hindi na kasi maganda yung ugali mo.’ Parang may kumalabog na drum sa tenga ko. Panget ang… attitude? Hindi mukha ah. Salamat naman. ‘Palagi kang galit, selosa, at konting bagay lang, sinisigawan mo na ako,’ dagdag pa niya. Sa loob-loob ko: Hello? Ikaw kaya i-like ng ex mo sa Instagram?”
Base sa kanilang usapan, napagtanto na raw ni sender na tila hihiwalayan na siya ng kaniyang jowa—kung kaya’t pumasok ang isang pinakamatinding desisyon na gagawin niya sa kaniyang buhay.
“Hindi ko na siya pinatapos magsalita. Bigla kong hinawakan ang dibdib ko. ‘Wait lang…’sabi ko, paos ang boses. ‘Parang… nahihilo ako…,” paglalahad niya.
Pagpapatuloy niya, “Nagulat siya. ‘Ha? Okay ka lang?’ Huminga ako ng malalim. Isa. Dalawa. Tatlo. Tapos—BAGSAK. Diretso akong humandusay sa sahig ng sala nila. As in full performance. May kasamang bahagyang kibot ng kamay at dramatic na pagtabingi ng ulo. Kung may Oscars for Desperadong Girlfriend, panalo ako.”
Nang mangyari daw ito, nagpanic ang kaniyang jowa, at napagtanto niyang 100% ang “effectivity rate” ng kaniyang pagda-drama.
“Narinig ko siyang sumigaw papunta sa kusina: ‘MA! MA! MAY HINIMATAY DITO!’ MA. MAY HINIMATAY DITO. Parang normal occurrence lang sa bahay nila.May narinig akong tsinelas na papalapit. ‘Ha? Sino?’ ‘SIYA! BIGLA NA LANG BUMAGSAK!’ Kinakabahan na ako. Lord, wag naman sanang sampalin ako ng nanay niya. May tumapik sa pisngi ko. ‘Miss? Gising. Buhay ka pa?’” anang sender.
Dagdag pa niya, “Pinipigilan ko ang tawa. Ang hirap magpanggap na patay na hindi natatawa. Biglang sabi ng boyfriend ko, umiiyak na halos, ‘Sorry na! Di na kita hihiwalayan! Babaguhin ko na lang yung… usapan!’”
Dahil daw dito, naisip niyang “mission accomplished” na, ngunit biglang nagka-plot twist.
“Biglang sabi ng nanay niya: ‘Anak… humihinga naman. Parang arte lang.’ Tinapik ulit ako, mas malakas. ‘O, kung arte ka, gumalaw ka na.’ Wala na akong choice. Unti-unti akong nagising. ‘Nasaan ako…’ sabi ko, kunwari mahina,” kuwento ni sender.
Pagpapatuloy niya, “‘Sa sala namin,’ sagot ng nanay niya. ‘At muntik ka nang maging dahilan ng high blood ko.’ Tinitigan ako ng boyfriend ko. Mapula ang mata. Halatang na-trauma. ‘Totoo bang nahilo ka… o nagdrama ka lang?’ Umubo ako ng konti. ‘Siguro… halo. Nahilo sa sakit. Char.’ Hindi siya natawa.”
“Huminga siya ng malalim. ‘Alam mo, kaya nga kita hihiwalayan kasi ganyan ka. Desperada. Dramatic. At konting usap lang, hihimatay agad.’ Gusto kong bumagsak ulit, pero this time, totoo na. Tumayo siya. ‘Tapos na tayo.’ Wala nang arte-arte,” paglalahad niya.
Dahil dito, nag-reflect daw si sender—at napagtanto niyang kung kailangan mo nang mawalan ng malay para may manatili sa’yo, baka dapat ikaw na mismo ang umalis.
Ngunit pag-amin niya, sa tuwing maaalala niya ang ginawa niya, hindi niya raw maiwasang matawa.
Desperada na raw kung desperada, basta “iconic.”
Matapos ang pagbabahagi niyang ito, hindi naiwasan ng netizens na ilahad din ang kanilang sentimyento kaugnay sa kuwento ni sender.
“When you're inlove, you became desperate just not to loose him”
“You can't avoid it for a long time! The best thing that you can do is change for the better! All the things that he said about you must worked for you and him!”
“At least may realization sa dulo hahaha”
“Ok na yan kesa naman sa kilala kong nagbubuntis-buntisan wag lang iwan HAHAHAH”
“hahaha ung pagod na pagod ka galing sa paglalabang ndi mu parin ntapos khit hating gabi na tpos gnito nabasa ko...salamat sau sender nbawasan pagod ko sa buong araw.”
“aliw sayo ante”
“hindi naman yan effective kasi pagka gising mo kuno eh same parin situation: stress na sya sa ugali mo”
Habang isinusulat ang artikulong ito, umabot na sa 6.8k reactions, 143 shares, at 205 comments ang nabanggit na confession ng anonymous sender.
---
Disclaimer: Bagama’t ang kuwentong ito ay inaako ng may-akda na mula umano sa tunay na pangyayari, hindi maaaring kumpirmahin o itanggi ng Balita ang katotohanan sa mga detalye at impormasyong nakasaad dito.
Vincent Gutierrez/BALITA