Nasagip ang isang aspin o asong Pinoy mula sa Virac, Catanduanes, noong Sabado, Enero 17, matapos itong ma-trap sa ilalim ng isang tulay, sa kasagsagan ng tumataas na baha bunsod ng bagyong Ada.
Base sa social media post ng Coast Guard Catanduanes, agad na rumesponde ang mga awtoridad nang natanggap nila ang report ng isang residente na nagsasabing may asong inanod ng baha sa ilalim ng tulay.
Makikita rin sa video na ibinahagi ng coast guard na maingat nilang tinalian ng lubid ang aso at dahan-dahan itong inangat pabalik sa ibabaw ng tulay.
Anila, sa panahon ng kalamidad at masamang panahon, hindi lamang buhay ng tao ang mahalaga, ngunit pati na rin ang kaligtasan ng mga hayop.
Sa kaugnay na ulat, ayon sa 11:00 AM tropical cyclone bulletin ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) nitong Linggo, Enero 18, unti-unti nang kumikilos papalayo sa probinsya ng Catanduanes ang bagyong Ada.
MAKI-BALITA: Bagyong ‘Ada’ papalayo na sa Catanduanes
Sean Antonio/BALITA