January 24, 2026

Home FEATURES Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Mga imahen ng Sto. Niño na tanging aprubado ng Simbahang Katolika

ALAMIN: Mga imahen ng Sto. Niño na tanging aprubado ng Simbahang Katolika
Photo courtesy: via The Roman Catholic Archdiocese of Cebu/FB

Sa kabila ng makulay at malalim na debosyon ng mga Pilipino at ng iba pang Katoliko sa buong mundo sa Sto. Niño, nilinaw ng Simbahang Katolika na may iilang opisyal at kinikilalang imahen lamang ng Batang Hesus na may malinaw na basbas ng simbahan batay sa kasaysayan, tradisyon, at doktrina.

Ayon sa mga tala ng simbahan, ang mga imaheng ito ay hindi basta likha ng popular na kultura o lokal na paniniwala, kundi may pinagmulan sa Europa at sa kasaysayan ng Kristiyanismo—at matagal nang ginagamit sa debosyon ng mga mananampalataya.

Isa sa mga pinakamatandang kinikilalang imahen ay ang Santo Bambino de Aracoeli na matatagpuan sa Basilica di Santa Maria in Aracoeli sa Rome, Italy. Pinaniniwalaang nililok mula sa kahoy ng punong olibo sa Holy Land, ang imaheng ito ay matagal nang dinarayo ng mga deboto, lalo na ng mga humihiling ng kagalingan at proteksiyon.

Kabilang din sa mga opisyal na kinikilala ng Simbahang Katolika ang Bambino Gesù de Arenzano, na nagmula sa Arenzano, Italy. Kilala ang imaheng ito bilang simbolo ng pag-asa at pananampalataya, at naging sentro ng debosyon matapos maiugnay sa mga ulat ng himala noong unang bahagi ng ika-20 siglo.

Mga Pagdiriwang

ALAMIN: Nakikilala ba ang personality ng isang tao base sa sulat-kamay?

Isa pa sa pinakatanyag sa buong mundo ang Holy Infant of Prague, na nagmula sa Czech Republic. Ang imaheng ito ng Batang Hesus na may korona at hawak na globo ay sumisimbolo sa pagiging Hari ni Kristo. Ito rin ang isa sa mga imahen ng Sto. Niño na may pinakamaraming deboto sa Europa, Latin America, at Asya.

Samantala, sa Pilipinas, tanging ang Sto. Niño de Cebu ang kinikilalang opisyal at aprubadong imahen ng Simbahang Katolika. Ito ang itinuturing na pinakamatandang relikyang Kristiyano sa bansa, na ipinagkaloob ni Ferdinand Magellan kay Reyna Juana noong 1521. Ang imaheng ito ang sentro ng debosyon ng milyun-milyong Pilipino at ng taunang pagdiriwang ng Sinulog Festival sa Cebu.

Ipinaliwanag ng mga lider ng simbahan na bagama’t laganap ang iba’t ibang anyo at kasuotan ng Sto. Niño sa mga tahanan at komunidad, hindi lahat ng bersiyon ay may opisyal na pagkilala. Ang ilan umanong modernong interpretasyon ay produkto ng personal o lokal na debosyon at walang pormal na basbas ng Simbahang Katolika.

Binigyang-diin ng Simbahan na ang tunay na diwa ng debosyon sa Sto. Niño ay hindi lamang nakasalalay sa anyo ng imahen, kundi sa pagsasabuhay ng aral ni Kristo—kababaang-loob, pagmamahal, at pananampalataya—na siyang ipinapaalala ng Batang Hesus sa mga mananampalataya.