Tiklo ang isang ina sa Pasig City matapos masagip ng mga awtoridad ang kaniyang isang taong gulang na sanggol matapos umanong tangkaing ipagbili kapalit ng halagang ₱8,000.
Sa ulat ng Manila Bulletin, ayon sa Philippine National Police–Anti-Cybercrime Group (PNP-ACG), agad silang nagsagawa ng operasyon matapos matuklasan ang isang Facebook post kung saan inalok umano ng suspek ang kaniyang anak sa ilalim ng diumano’y “adoption” o pag-aampon kapalit ng pera.
Noong Enero 14, nakipag-ugnayan ang isang cyber patroller ng PNP-ACG sa suspek sa pamamagitan ng Facebook Messenger bilang bahagi ng undercover operation.
Sa kanilang pag-uusap, napagkasunduan umano ang bentahan ng bata sa halagang ₱8,000, na naging dahilan ng agarang pag-aresto sa ina.
Kinumpirma naman ni PNP-ACG Acting Director Brig. Gen. Wilson Asueta na nagbigay muna ng paunang bayad ang mga operatiba bago ang aktwal na pagkikita upang matiyak ang transaksyon at maisakatuparan ang operasyon.
Batay sa paunang imbestigasyon, may pito umanong anak ang suspek at wala itong hanapbuhay, na sinasabing nagtulak sa kaniya upang ibenta ang isa sa mga ito.
Lumalabas din sa imbestigasyon na hindi raw ito ang unang pagkakataong nagbenta siya ng sariling anak, dahil may isa na raw na naipagbili noon, habang ang iba pang mga bata ay nasa pangangalaga ng kaniyang mga kamag-anak.
Patuloy namang tinutunton ng mga awtoridad ang ama ng bata, na posibleng walang kaalaman sa ginawang tangkang pagbebenta ng kaniyang anak.
Sa kasalukuyan, nasa pangangalaga na ng Pasig City Social Welfare and Development Office (CSWDO) ang sanggol. Samantala, nakakulong na ang ina at nahaharap sa mga kasong paglabag sa Anti-Trafficking in Persons Act at sa Special Protection of Children Against Child Abuse, Exploitation, and Discrimination Act.
Binigyang-diin naman ni Asueta ang panganib ng ilegal na pagbebenta ng bata, dahil walang katiyakan na mapupunta ito sa ligtas at maayos na kalagayan. Aniya, maaari itong mauwi sa mas mabigat na uri ng pang-aabuso tulad ng human trafficking o ilegal na kalakalan ng mga organo.
Nagpaalala rin ang PNP na mahigpit na ipinagbabawal ng batas ang pagbebenta ng sariling anak.
“Ang anak ay hindi ari-arian na anytime puwede natin ibenta. Kung gusto natin ng adoption, meron tayong dapat lapitan na ahensiya ng gobyerno. Meron tayong legal process for adoption," saad ni Asueta.