Dumurog sa puso ng mga netizen ang ulat tungkol sa isang pet dog na araw-araw umanong naghihintay sa labas ng tirahan ng kaniyang fur parent, sa pag-aakalang babalik pa ito; subalit hindi niya alam na hindi na pala dahil matagal na pala itong pumanaw.
Sa ulat ng South China Morning Post kamakailan, ang aso, na tinatawag ng mga residente na “Ah Wang,” ay ilang linggo nang namamalagi sa pasilyo ng gusali kung saan dating nakatira ang kaniyang fur dad na nakilalang si Gao, mula sa Shanghai, China.
Ayon pa sa ulat, si Gao ay namatay dahil sa biglaang karamdaman noong Disyembre 11, 2025 at mag-isa lamang na naninirahan kasama ang kaniyang alagang aso.
Simula noon, hindi na raw umalis sa tapat ng unit ang aso, na para bang hinihintay ang pagbabalik ng fur parent. Dahil sa malamig na panahon, naglatag ng mga lumang damit ang ilang residente upang may mahigaan si Ah Wang. May mga nagtangkang magbigay ng pagkain at tubig, ngunit tumanggi itong kumain at uminom.
Lalong ikinabahala ng mga residente ang biglaang pagkawala ng aso noong Enero 6, 2026, dahilan upang makipag-ugnayan sila sa lokal na estasyon ng telebisyon sa China.
Makalipas ang dalawang araw, natagpuan umano si Ah Wang na nagtatago sa isang damuhang bahagi ng komunidad. Isang babaeng residente ang nakakita sa kaniya habang nagpapakain ng mga pusang gala at aso.
Dinala ang aso sa opisina ng residential committee kung saan inalok ito ng pagkain. Bagama’t una itong nag-atubili, kalaunan ay kinain ni Ah Wang ang halos sampung piraso ng ham sausage, sa isang kainan lamang; hudyat na gutom na gutom ang aso.
Ayon kay Chen Zi, manager ng Shanghai Jiege Pet Animal Garden, posibleng dumaranas ng matinding kalungkutan ang aso bunsod ng pagkamatay ng amo nito.
Dahil kilala sa kanilang komunidad sa Baoshan District si Ah Wang bilang masunurin at maamong aso, hindi nananakot ng bata o matatanda, maraming residente ang nagpahayag ng pagnanais na ampunin ito. Isa na rito si residenteng Huang, na handang bigyan ang aso ng bagong tahanan.
Samantala, sinabi ng anak ni Gao, na bihira umanong bumisita sa kaniyang ama, na wala siyang balak na ampunin ang aso.
Kaya naman, mas pinaboran ng residential committee na ipaampon si Ah Wang kay Huang upang manatili ito sa kapaligirang nakasanayan at makabawi mula sa sinapit na pagkawala ng tunay na fur parent.
Sa social media, ikinumpara ng maraming netizen ang kuwento ni Ah Wang sa pelikulang "Hachi: A Dog’s Tale," na sumasalamin umano sa walang kapantay na katapatan ng aso sa kaniyang amo, na umantig sa puso ng mga manonood, lalo na ang dog lovers. American adaptation movie naman ito ng mas naunang Japanese film na Hachiko Monogatari (1987), na parehong hango sa totoong kuwento sa Japan noong dekada 1920.
Ito ay batay sa buhay ng asong si Hachiko, isang asong araw-araw na naghihintay sa kaniyang amo na si Professor Hidesaburō Ueno sa Shibuya Station sa Tokyo, Japan. Nang pumanaw ang propesor dahil sa biglaang karamdaman, patuloy pa ring bumabalik si Hachikō sa estasyon sa loob ng halos 10 taon, naghihintay sa pagbabalik ng kaniyang amo hanggang sa siya ay mamatay na rin.
Dahil sa pambihirang katapatan, naging simbolo si Hachiko ng loyalty at devotion sa Japan. Ginawan pa siya ng rebulto sa Shibuya Station, na isa na ngayon sa mga pinakasikat na landmark sa Tokyo.