Tila may pinasaringan si Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na tiyak daw niyang may kaugnayan ang mga tao sa likod ng Facebook page na “Luminous by Trixie Cruz-Angeles & Ahmed Paglinawan” sa isang indibidwal na may kilala raw na mga assassin at nagagawang magbanta sa Pangulo, First Lady, at dating House Speaker sa gitna ng ere sa media.
Ayon sa naging panayam ng Radyo Pilipinas kay Castro nitong Sabado, Enero 17, sinabi niyang ginawa lang umano niya ang magpa-blotter sa laban sa nasabing Facebook page para magkaroon ng proteksyon.
“The only reason why I have to do that kasi… proteksiyon,” pagsisimula niya.
Dagdag pa niya, “Kung ikaw ang makakatanggap no’n at alam mo na itong mga taong ito ay may kakilala—may kaugnayan sa mga taong may kakilalang assassin, na taong kayang magbanta on-air sa Pangulo, sa First Lady, at sa dating House Speaker, maaalarma ka because may kapasidad.”
Ani Castro, “sagad to the bones” pa rin ang mga pahayag na inilalabas ng mga social media personal laban sa kaniya.
“Hindi ko rin naman alam kung hanggang saan ang galit nila sa akin, lalo na noong napasok ako sa Malacañang. At alam ko naman kung sino ‘yong mga galit na galit sa atin. Kumbaga, kung makapagmura ay sagad, Sabi nga nila, “sagad to the bones,” ‘ika niya.
Pagpapatuloy ni Castra, nagawa din daw siyang sabihan ng masamang salita ng mga indibidwal sa parehong post ng nasabing Facebook page.
“Actually, hindi lang ‘yon ‘yong sinabi. Kung nasa mo ‘yong post nila, may mura ‘yon. Kung nakita mo, p-a-k-y-u. Minura pa tayo,” pagkukuwento niya.
Humiling din si Castro sa publiko na huwag daw daanin ng ilang mga indibidwal ang basta pagbabanta na lang sa mga kagayang niyang opisyal ng gobyerno.
“Sa ‘kin naman, walang problema kung babatikos sila pero iba kasi ‘yong may pagbabanta sa buhay mo. ibang level ‘yon, e. Kaya nating sumapo ng mga pagpuna. Sana ‘yong pagpuna nila huwag naman sanang daanin din sa fake news. Kasi ang ang dami-dami nang pumupuna, iba-ibang kuwento na,” paglilinaw niya.
“‘Yon lang sana kasi ang kawawa diyan… ‘yong mga taong maaaring maniwala sa inyo sa mga kasinungalingan nilam,” pahabol pa niya.
Inisa-isa rin ni Castro ang umano’y mga dahilan ng nagbabanta sa kaniya.
“‘Yan naman ang tingin ko na balak talaga nila: mapalawig ‘yong kanilang kasinungalinan para masira ‘yong katotohanan,” hunta niya.
“Huwag na lang magbanta, huwag lang fake news, at iwanasan na ng magmura—huwag na lang gayahin ‘yong mga idolo nila [na] sanay na sanay magmura,” pagtatapos pa ni Castro.
Samantala, wala namang inilalabas na pahayag o paliwanag si Castro tungkol sa tinukoy niyang indibidwal na may kilala sa mga assassin, nagbabanta sa Pangulo, FL, at dating House Speaker.
MAKI-BALITA Atty. Claire Castro, nagreklamo sa NBI dahil nakatanggap umano ng pagbabanta
MAKI-BALITA: 'No surprise there!' Mga inireklamo ni Atty. Claire Castro sa NBI, sumabat!
Mc Vincent Mirabuna/Balita