Dismayadong ibinahagi ng actor-director na si John Manalo sa kaniyang social media ang pagka-offload niya sa airport kamakailan dahil sa isang “minor tear” sa kaniyang passport.
Ikinuwento ni John sa kaniyang Facebook post na papunta siyang Thailand nang ma-offload siya noong Huwebes, Enero 15.
“I was offloaded earlier on my way to Thailand because of a minor tear on my passport. Everything else is completely intact,” saad ni John sa kaniyang Facebook account.
Aniya pa, nakalipad na siya abroad gamit ang passport niyang ito, at hindi naman daw siya nagkaroon ng aberya o isyu, ngunit noong araw na iyon, nang mapansin ng airline ang nasabing sira, naging dahilan ito para ma-offload siya.
“I've flown to Japan, Canada, Mexico, the USA, Vietnam, and Thailand with this same passport, even with this tear, and never had any issues. Nasa ibang bansa lang ako 3 days ago. Pero kanina na offload. Dahil napansin nung taga CEBPAC. There are so many similar cases like mine if you search. Same side ng punit, same side ng haba,” kuwento ng actor-director.
Nilinaw ni John na hindi naman daw niya sinisisi ang airline dahil naiintindihan niya na ang mismong airline ang posibleng managot kapag pinalusot siya, kaya, hindi na raw siya nakipagtalo.
Gayunpaman, hindi pa rin maiwasan ni John ang madismaya dahil sa umano’y mababang kalidad ng passport ng bansa, kumpara daw sa ibang mga bansa na mas matibay ang passport at swak para sa pag-travel.
“Yes, my right ang airline kasi sila ang mananagot pag pinabalik ka ng bansa mo. I chose not to argue earlier, but it’s honestly heartbreaking. Our own country. Whether intentional or not, we’re issued passports that are so easily torn, and in the end, it’s Filipinos who suffer the consequences,” saad ni John.
“Other countries use hard polycarbonate passports that are durable, reliable, and built for travel,” dagdag pa niya.
Dahil daw dito, kinailangan niyang i-cancel lahat ng bookings niya, at dahil may naka-schedule pa siyang flight sa susunod na linggo, hindi siya sigurado kung makakakuha ba siya agad ng panibagong kopya ng passport niya.
“Now comes the real burden: canceling everything I booked, the time, the effort, the anticipation. It’s not easy to just get a new passport, especially when I already have another flight next week and no certainty if I’ll be able to secure one in time,” aniya.
Sa pagkadismaya, ikinumpara niya ang umano’y mababang kalidad ng passport sa bansa, sa mga kalsadang umano’y mahina.
“Kung magiisip ka ng masama. Parang kalsada lang sa bansa natin, bakit hindi gawing matibay? Kasi pag matibay hindi mo na kailangan magpagawa ulit. Walang pera,” ani ng actor-director.
“Nakakaawa tayong mga Pilipino no? Ang hina na nga ng passport, ang hina pa ng kalidad. Kakasenti lang hahaha,” aniya pa.
Sa dagdag na post ni John, idiniin niyang naiintindihan niyang protocol ng airlines na siguraduhing maayos ang passport na tatanggapin nila, ngunit kutob niya, mahihigpit ang Southeast Asian (SEA) countries o non-visa countries, dahil madalas, hindi na dumadaan ang Pilipinas dumadaan sa embahada nila.
“First, hindi airline at groundstaff sinisi ko, protocol nila yan. May karapatan talaga sila not to accept you kasi sila ang mag babayad ng fine pag tinanggap ka nila at pinabalik ka from ibang bansa dahil sa punit ng passport mo. Nagkataon lang na itong scenario na ito sa cebpac nangyayari palagi. Kasi kakalipad ko lang naman kung saan saan gamit ang ibang airline, pero di sa same country. So may kutob ako depende rin talaga sa bansa. If mag research ka, laging non visa country, mga neighboring country natin dito sa souht east asia yung mahihigpit. Kasi feeling ko. Sa passport lang natin talaga sila nakadepende dahil hindi na tayo dumadaan sa embahada nila,” paglilinaw pa ni John.
“Second, di rin yung immigration officer natin sinisisi ko. Dahil never pa ako na offload, at sa kwento na to, hindi pa ako umabot ng immigration lane natin,” dagdag pa niya.
Nilinaw rin niya na hindi pa siya umaabot sa immigration lane.
Ang pinupunto raw ni John sa kuwento niya ay ang umano’y mababang kalidad ng passport ng bansa, at bilang suhestiyon, dapat gawa raw ang materyal nito sa polycarbonate o matigas na uri ng plastic para daw tuwing inii-scan, hindi ito natutupi.
“Ang pinakapoint ko ay yung shitty quality ng passport natin. Ang biodata ay dapat non tearable. Hindi dapat papel, kundi polycarbonate. Matigas na plastic. Para tuwing na sscan, hindi tumutupi,” saad niya.
Sa kasunod pang post ni John, ipinaliwanag niya na alam raw niya, magagamit pa niya ang passport niya, ngunit para hindi na maging abala pa, kukuha na siya ng bagong passport.
Idiniin niya rito muli na hindi dapat napupunit o inaamag ang passport dahil 10 taon ito bago mag-expire, at iba-ibang klima pa ang maaabutan nito.
Kaya petisyon niya na gawing polycarbonate ang passport para mas madali raw itong ma-scan.
Sean Antonio/BALITA