Kinomendahan ng Philippine Coast Guard (PCG) ang husay at dedikasyon ng kanilang working dog na si Kidlat sa pagtulong sa paghahanap ng mga katawan mula sa pagguho ng Binaliw landfill kamakailan.
Ayon sa appreciation post ng PCG, matagumpay na natagpuan at natukoy ni Kidlat ang isang labi mula sa gumuhong landfill sa kanilang search, rescue, and retrieval operation noong Huwebes, Enero 15.
Sa nasabing post, ibinahagi rin ni PCG Spokesperson, Captain Noemie Cayabyab na patuloy nilang pinaiigting ang kanilang search and rescue operations para tiyak na matunton lahat ng nawawalang tauhan ng landfill.
Saad pa ng PCG, ang pagsasanay at deployment ng Coast Guard Working Dogs ay tugon din nila sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. para sa mas episyenteng disaster response at humanitarian assistance.
Sa kaugnay na ulat, umabot na sa 35 ang bilang ng mga nasawi sa Binaliw landslide, ayon sa 2 PM Situational Report ng Bureau of Fire Protection (BFP) - Cebu City, nitong Sabado, Enero 17.
Habang 18 indibidwal ang naitalang sugatan, at isa pa ang nawawala.
Sean Antonio/BALITA