Tuwing ikatlong linggo ng Enero, kasunod ng Pista ng Jesus Nazareno sa Quiapo, muling nabubuhay ang isa pang mahalagang pagdiriwang sa kalendaryong panrelihiyon ng Maynila—ang Kapistahan ng Santo Niño sa Tondo, Manila.
Isa sa mga pinakainaabangang bahagi ng selebrasyon ang Lakbayaw Festival, ang tradisyunal na prusisyon na ginaganap sa bisperas ng pista. Mula ito sa dalawang salitang "Lakbay" at "Sayaw."
Sa makukulay na lansangan ng Tondo, isinasabay sa pagparada ng mga imahen ng Santo Niño ang masiglang tugtog at indak ng mga kalahok, na nagbibigay-buhay at sigla sa komunidad.
Bukod sa masasarap na handa na iniaalay ng mga residente para sa mga deboto at bisita, tampok din sa pagdiriwang ang makapukaw-pansing street dance ng iba't ibang grupo, batay sa kanilang edad, kasarian, at iba pa.
Isa na riyan ang sama-sama at sabay-sabay na paghataw ng kalalakihang hubad-baro.
Kapansin-pansin ang husay at enerhiya ng mga lalaking mananayaw—karamihan ay nakahubad pang-itaas—na nagiging sentro ng atensyon hindi lamang sa aktuwal na araw ng pista kundi maging sa mga rehearsal pa lamang.
Sa mga nagdaang pagsasanay, ilang performers na ang namukod-tangi at agad na naging usap-usapan, dahilan upang mas lalo pang dayuhin ng publiko ang street dance ng Santo Niño de Tondo.
Ngayong 2026, narito ang ilang hotties na nambulabog sa social media sa rehearsals pa lang, dahil sa angkin nilang kaguwapuhan, kakisigan, at lakas ng dating.
Marco Navarra
- Isa sa mga inaabangan ng mga netizen si Marco Navarra, na bukod sa humahamig ng libo-libong likes, shares, at comments ang social media post, kaka-graduate lang din niya ng Bachelor of Science in Business Administration Major in Operations Management sa Colegio De San Juan De Letran.
Video courtesy: NarsDyosa/TikTok
Nomer Alejo
- Pumukaw rin sa atensyon ng mga netizen si Nomer Alejo na talaga namang todo-giling sa rehearsal pa lang. Batay sa kaniyang profile sa social media account, siya ay nagtapos ng Bachelor of Science in Tourism Management sa Richwell Colleges, Incorporated, isang digital content creator, at dating miyembro ng isang dance troupe ng isang unibersidad sa Bulacan. Noong Biyernes, Enero 16, nag-post pa siya sa Facebook account niya ng pa-sample, at inanyayahan naman ang mga netizen na dumalo sa nabanggit na festival.
"See u’all tomorrow Lakbayaw sa Tondo 2026!" aniya.
Moreno Singh
- Kinakikiligan din ang tinaguriang "nerdy hunky" na si Moreno Singh na batay sa kaniyang looks at apelyido, ay half-Filipino at half-Indian.
Batay sa kaniyang social media account, siya ay isang digital content creator, nagtrabaho sa isang cellphone company, at nag-aral sa Universidad De Manila.
Video courtesy: Pageant Manila/TikTok
Joco Castro
- Ang daming ganap ni Joco Castro sa buhay, kung pagbabatayan ang mga nakalagay sa kaniyang social media accounts. Bukod sa nagpapakilig sa pag-indak niya sa social media, siya ay isang Physical Education teacher sa elementary at councilor sa Barangay Panginay, Balagtas, Bulacan. Bukod dito, aktibo rin siya sa pagsali sa male pageants at pagiging freelance model.
Video courtesy: Joco Castro/TikTok
Jonathan Clavio at Charles Dela Cruz
- Kinakiligan naman ng mga netizen ang ilang videos nila na magka-collab sa saliw ng awiting "Sex Bomb." Batay sa kanilang social media accounts, pareho silang taga-Bulacan. Batay sa mga post nila, aktibo sila sa body-building at pagsali sa male pageants.
Video courtesy: Jonathan Clavio/FB
John Matthew Aclaracion
- Isa pa sa mga kinapananabikang mapanood sa street dance performance si John Matthew Aclaracion, na sinasabi ng mga netizen na ma-appeal at lakas ng dating lalo na kapag nakasuot ng salamin. Batay sa kaniyang social media accounts, siya ay nag-aral sa STI College Global City. Aktibo rin siya sa body-building at paglahok sa male pageants.
Video courtesy: John Matthew Aclaracion/TikTok
Calvin Gabriel
- Matunog din ang pangalan ni Calvin Gabriel sa social media dahil sa bukod sa todo-hataw niyang pag-indak sa rehearsals pa lang, napansin na ng marami ang cute niyang mukha, samahan pa ng magandang hubog ng pangangatawan.
Video courtesy: Pageant Manila/TikTok
Para sa marami, ang Lakbayaw ay hindi lamang palabas kundi isang patunay ng masiglang pananampalataya, kultura, at sama-samang diwa ng mga taga-Tondo; isang pagdiriwang na kapwa nagpapabusog sa tiyan at nagpapaligaya sa paningin.
Sa kabilang banda, nagpaalala na noong 2024 ang Archdiocesan Shrine of Santo Niño - Tondo Manila tungkol sa wastong pagdiriwang ng Lakbayaw., sa pamamagitan ng kanilang opisyal na pahayag.
Anila, nilinaw nilang hindi nila kinukunsinti ang pagsasayaw ng mga walang pang-itaas, at kung magkakaroon man daw ng pagpapakita ng debosyon sa Santo Niño, nararapat daw na ito ay nakalulugod pa rin sa paningin ng Diyos.
Kaugnay na Balita: 'Sarap este ang sayang maki-fiesta!' Dancing Machos sa Tondo, pinanggigilan kakisigan
Nitong 2026, sinabi ni Basilica-Rector and Parish Priest Rev. Msgr. Geronimo F. Reyes, JCD na kailangan daw panatilihin ang proper decorum at pananamit sa pagdiriwang ng kapistahan.
“Ang Lakbayaw Procession ay isang banal na paglalakbay ng pasasalamat at handog-puri sa Mahal na Poong Santo Niño. Inaanyayahan ang lahat ng deboto at mananampalataya na makiisa nang may kaayusan, disiplina, at paggalang sa kilos, pananalita, at pananamit bilang pagpapahayag ng ating tunay na debosyon,” pahayag ni Reyes, batay sa ulat ng ABS-CBN News.
“Ang lahat ng lalahok sa Lakbayaw Procession ay buong paggalang na hinihikayat na magsuot ng disente, maayos, at angkop na kasuotan bilang pagpapahayag ng ating paggalang sa kabanalan ng pagdiriwang at sa Banal na Poong Santo Niño,” dagdag pa niya.