Kinubra na ng dalawang babaeng lotto bettor—isang senior citizen at isang housewife—ang pinaghatian nilang ₱104.5 milyong jackpot ng Super Lotto 6/49 na binola ng Philippine Charity Sweepstakes Office (PCSO) noong Enero 8, 2026.
Nagtungo sila sa tanggapin ng PCSO para kubrahin ang premyo noong Enero 12, 2026.
Matagumpay na nahulaan ng lucky winners ang winning numbers na 09-11-30-12-24-26 at may kaakibat na premyong ₱104,548,763.10.
Ang lucky winner na isang senior citizen, taga-Los Baños, Laguna, ay mahigit tatlong dekada na raw tumataya. Ibabahagi niya ang kaniyang premyo sa kaniyang tatlong kapatid. Nais din niyang bumili ng bahay at lupa at makapagsimula ng negosyo.
Mahigit tatlong dekada na ako sumusubok sa lotto at umaasa din na manalo para mabago ang aking kapalaran. Mahirap at matanda na ako gusto ko naman guminhawa ang buhay namin ng pamilya ko. Babahaginan ko din ang mga kapatid ko," aniya.
“Sa mga mananaya huwag kayo mawawalan ng pagasa. May awa ang Diyos sa mga naniniwala sa Kaniya," payo naman niya sa mga kapwa lotto player.
Samantala, ang nanalong housewife mula sa Caloocan City naman ay isang dekada nang tumataya sa lotto. Hindi pa aniya napagdedesisyunan kung saan gagamitin ang pera.