Nagbigay ng komento si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., tungkol sa kapalaran ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) sakaling matapos na umano ang imbestigasyon nito kaugnay sa maanomalyang flood control projects.
Ayon sa naging pahayag ng Pangulo sa media matapos niyang dumalo sa Aglipay Sewage Treatment Plant (STP) sa Mandaluyong City nitong Biyernes, Enero 16, sinabi niyang nakadepende umano sa trabaho na kailangan pang gawin ng ICI kung ano ang magiging desisyon ng pamahalaan sa nasabing Komisyon.
“Well [it] depends on how much worth they still have left,” pagsisimula niya, “Kung matapos na ‘yong trabaho nila, e ‘di we will see what they can do next.”
Dagdag pa niya, “But [if] they really coming towards to the end, lahat ng kailangang imbestigahan [ay] naimbestigahan na nila, maybe there are one or two other…”
Sinagot din ni PBBM ang tanong kung may plano pa silang mag-reappoint ng mga bagong Commissioner sa ICI.
“We haven’t really decided on that yet. Again, it all depends on the work that ICI has still in front of it,” aniya.
Paglilinaw ni PBBM, mag-aappoint daw sila ulit ng bagong Commissioner sa nasabing Komisyon kung may mga trabaho pa rin itong kailangang tapusin.
Giit pa niya, maaari rin daw na magtuon na ang imbestigasyon sa Department of Justice (DOJ) at Office of the Ombudsman kung naibigay na lahat ng ICI ang mga impormasyong kanilang nakalap sa maanomalyang flood control projects.
“Kapag kailangan pa, then we will [reappoint new commissioners]. But if their work is done, kung naibigay na lahat ng information sa DOJ at saka sa Ombudsman then the focus now on the investigation will go through the DOJ and the Ombudsman,” pagtatapos pa niya.
Matatandaang nagbitiw sa puwesto si ICI Commissioner Rossana Fajardo matapos manilbihan sa nasabing ahensya mula noong Disyembre 2026.
MAKI-BALITA: Rossana Fajardo, nagbitiw bilang Commissioner sa ICI
Ani Fajardo, nagawa na raw niya ang mga trabaho ang kaniyang tungkulin sa pangongolekta ng mga ebidensya, work plans, at pangunguna sa imbestigasyon sa maanomalyang infrastructure projects.
Bukod kay Fajardo, nauna na ring opisyal na nagbitiw noon sa puwesto sa ICI si dating Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson noong Disyembre 15, 2025.
Dahil dito, naiwan nang mag-isa sa nasabing ahensya si Chairman Andres Reyes, Jr.
MAKI-BALITA: Singson, last day sa ICI: 'Walang extension, meron na akong ibang lakad bukas!'
MAKI-BALITA: Babush na sa Pebrero? ICI, umalmang bubuwagin na sila
Mc Vincent Mirabuna/Balita