January 26, 2026

Home BALITA Metro

Nahilong senior citizen na namimitas ng malunggay, tumusok mukha sa bakod

Nahilong senior citizen na namimitas ng malunggay, tumusok mukha sa bakod
Photo courtesy: Contributed photo

Isang 65-anyos na babae ang nasugatan matapos matusok sa mukha ng bakal na bakod ng plant box sa Novaliches, Quezon City.

Ayon sa mga ulat, kinailangan ng mga rescuer na gumamit ng hydraulic cutter upang putulin ang bakal at gibain pa ang pundasyong konkreto ng bakod para ligtas na mailigtas ang biktima.

Ikinarga sa stretcher ang senior citizen kasama ang bahaging bakal na tumusok sa kaniya at agad siyang isinugod sa ospital. 

Umabot sa halos 30 minuto ang rescue operation, ayon sa Bureau of Fire Protection (BFP).

Metro

Buntis, nanganak sa tabi ng kalye!

“Ang naging challenge lang sa amin ay siyempre nakatusok siya doon sa bakal. Hindi namin puwedeng basta-basta galawin kaya dahan-dahan lang hanggang sa matanggal namin siya,” pahayag ni SFO2 Richard Andrew Roces, team leader ng QCFD Special Rescue Force sa panayam nito sa media.

Masuwerte namang walang tinamaan na vital arteries sa ulo ng biktima. Batay sa impormasyong nakuha ng BFP, ang plant box ay pagmamay-ari ng kapitbahay ng biktima.

Ayon sa mga saksi, kumukuha umano ng dahon ng malunggay ang biktima nang siya ay mahilo, nadulas sa gilid ng plant box, at tuluyang matusok sa bakal na bakod.

Sumailalim sa operasyon ang biktima upang tanggalin ang metal na tumusok sa kaniyang mukha at kasalukuyan na siyang nagpapagaling.

Paalala ng mga awtoridad, sa ganitong uri ng insidente ay agad tumawag ng mga responder at panatilihing hindi ginagalaw ang biktima habang hinihintay ang pagdating ng tulong.