Naglabas na ng subpoena ang Makati Prosecutor para kay Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga kaugnay ng cyberlibel case na isinampa ng negosyanteng si Enrique Razon laban sa kongresista.
Batay sa kopya ng nasabing subpoena na inilabas noong Huwebes, Enero 15, 2026, mayroong 10 araw si Barzaga na makapagsumite ng kaniyang counter affidavit.
Kinakailangan ding sumipot ni Barzaga sa opisina ng naturang prosekusyon sa Pebrero 12 at 19, upang maglabas ng sinumpaang pahayag at sagutin ang mga tanong hinggil sa kasong isinampa sa kaniya ni Razon.
Matatandaang noong Miyerkules, Enero 14 nang tuluyang sampahan ni Razon si Barzaga ng two counts of cyberlibel, kaugnay ng kontrobersiyal na Facebook post ng kongresista hinggil sa umano'y kaugnayan ni Razon sa korapsyon sa Kamara.
Kaugnay nito, tinatayang aabot sa mahigit na ₱100 milyon ang danyos na hinihingi na Razo—bagay na pinalagan ni Barzaga.
“Enrique Razon is seeking over 100 million pesos in damages? You’re already the richest man in the country and you still want more?” ani Barzaga.
Hirit pa niya, “This is the type of greed that the Bible warns about.”
KAUGNAY NA BALITA: 'You still want more?' Rep. Barzaga binengga si Razon sa pa-₱100M danyos kahit 'richest man' na!
Samantala sa hiwalay na pahayag ni Razon, binakbakan naman niya ang yaman ng mga Barzaga at iginiit na dapat aniyang ipaliwanag ng kongresista kung saan nanggagaling ang mga ito.
“Barzaga should explain where their wealth comes from. He is a politician from a family that is only in politics—how did they become wealthy? Where does the cash that he posts in pictures come from?” ani Razon.
Dagdag pa niya, hindi umano karapat-dapat na manatili sa Kongreso ang mambabatas. “He belongs in another kind of institution, not Congress” pahayag pa ni Razon.
KAUGNAY NA BALITA: Barzaga should explain! Razon, kinuwestiyon yaman ng mga Barzaga