January 26, 2026

Home BALITA National

'Kung papatayin n'yo ako, lalabas lahat ng ginawa n'yo sa DPWH!'—Rep. Leandro Leviste

'Kung papatayin n'yo ako, lalabas lahat ng ginawa n'yo sa DPWH!'—Rep. Leandro Leviste
Photo courtesy: Rep. Leandro Leviste (FB)

Tila direktang pinalagan ni Batangas 1st District Rep. Leandro Leviste ang umano’y mga nagbabanta sa kaniyang buhay na lalabas ang lahat ng mga ginawa nila sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sakali mang masawi raw siya. 

Ayon sa isinagawang press briefing ni Leviste sa Batangas nitong Biyernes, Enero 16, sinabi niyang marami na raw siyang natatanggap na pagbabanta sa kaniyang buhay sa panahon ngayon. 

“There are really threats to me right now,” pagsisimula niya, “Baka noon hindi alam ng iba ang ibang hawak ko maliban sa Cabral files.”

Anang congressman, may mas malaki pa raw siyang hawak na mga dokumento bukod pa sa Cabral files kaya siya ang tinatarget ng mga personalidad na hindi niya pinangalanan. 

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

“Ang lumabas na sa media ay tip of the icebergs lamang at kung ilabay ko lahat ng mga files na hawak ko, maiintindihan ng taumbayan [kung] bakit higit pa sa lahat ng iba pang target [ay] ako ang pangunahing target ng ilang iba’t ibang mga personalidad sa mga nakaraang araw at linggo,” saad niya. 

Ani Leviste, nakikinig daw siya sa payo sa kaniya ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na ‘huwag pabara-bara’ sa paglalabas ng umano’y mga hawak niyang ebidensya. 

“Ako naman po ay nakikinig sa payo ni Sen. Ping Lacson na huwag bara-bara. Kaya ‘yong mga hawak kong ebidensya, higit pa sa Cabral files, ay hindi ko inilalabas,” aniya. 

Paliwanag pa niya, “Pero ang taumbayan na mismo ang puwedeng makakita na tila may dahilan na napakaraming mga personalidad ay umaatake sa akin. Kung ako naman po ay walang hawak na damaging evidence, siguro marami naman pong iba na puwede nilang atakihin na lang o maraming ibang mga talakayin nila na lang.” 

Pagpapatuloy ni Leviste, malaki raw ang magiging epekto sa bansa sakali mang ilabas niya ang umano’y mga ebidensyang hawak niya na higit pa sa Cabral files.

“Pero ang dahilan na ang daming mga umaatake sa akin ay sa kadahilanang ang hawak kong ebidensya ay higit pa sa Cabral files. At kung ilalabas ko ito ay malaki ang consequences nito para sa ating bansa,” diin niya. 

Nagpaalala rin si Leviste sa mga nagbabanta sa kaniya na posibleng lumabas lahat ng ginawa nila sa ahensya ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sakaling man mamatay daw siya. 

“Dahil sila po ay nagmo-monitor sa ating press con ngayon, ako po ay sumusunod sa payo ni Sen. Ping Lacson na huwag bara-bara,” ‘ika niya. 

“Basta huwag ninyo akong patayin. Dahil kung papatayin ninyo ako, lalabas ang buong katotohanan ng mga ginawa ninyo sa DPWH,” buwelta pa niya. 

MAKI-BALITA: Rep. Leviste, sa pagsasampa ng kasong libel: 'Hindi ko nais masaktan si Usec. Claire Castro!

MAKI-BALITA: ‘Ayoko pong makulong si Usec. Claire Castro' Rep. Leviste, 'di raw bet magsampa ng 'criminal case'

Mc Vincent Mirabuna/Balita