Hinarang ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Chinese national matapos mapag-alamang mayroon itong Interpol alert.
Sa ulat na ibinahagi ng BI nitong Biyernes, Enero 16, kinilala ang Chinese national bilang si Xiao Chaoying, 49 taong gulang.
Base sa impormasyong inilatag ng hepe ng BI Interpol unit na si Peter de Guzman, bunsod daw ng pagkakasangkot ni Xiao sa isang estafa case ang dahilan kung bakit mayroon itong hit.
Nakasaad din sa records na inakusahan si Xiao ng isang private complainant na nag-iisyu umano ito ng “postdated checks”—na nagresulta sa umano’y “financial loss” na aabot sa halos ₱30 milyon.
Matapos nilang i-request, natanggap naman ng BI ang kopya ng warrant of arrest mula sa National Central Bureau (NCB) Manila—na siyang inisyu ng Regional Trial Court (RTC), National Capital Region (NCR) Branch 297, Pasay City noong Pebrero 2025.
Agad na dinala si Xiao sa National Bureau of Investigation (NBI) upang harapin ang mga naturang kaso.
Vincent Gutierrez/BALITA