Kinumpirma ni Antipolo 1st district Rep. Ronnie Puno na iminumungkahi na raw nilang i-expel nag tuluyan si Cavite 4th district Rep. Kiko Barzaga sa Kamara.
Sa isang virtual press conference nitong Biyernes, Enero 16, 2026, iginiit niyang tila paulit-ulit na raw kasing binabalewala ni Barzaga ang hatol sa kaniya ng House Ethics Committee.
“Baka mag-file pa kami ng bagong complaint kasi ang nangyayari dito paulit-ulit, ano. Parang binabalewala yung mga desisyon ng ethics committee, binabalewala yung desisyon ng Congress nitong si Congressman Barzaga,” ani Puno.
Hirit pa niya, “Baka hihilingin na namin na i-expel na rin siya kasi ano eh, parang talagang outright defiance na of everything that is going on.”
Paliwanag pa ni Puno, nagigiging laro na lang daw para kay Barzaga ang hatol sa kaniya ng nasabing komite dahil sa paulit-ulit daw nitong pagsunod at pagtaliwas sa kanila.
“At tsaka bad faith na siya kasi susunod, tapos hindi, tapos he comes-up nag-iimbento ng kung anu-ano. Hindi talaga ito behaviou ng tunay na mambabatas eh. Parang naging laro-laro lang,” giit ng kongresista.
Saad pa niya, “So I think it demands the House to have somebody like him there. Baka naman the House will consider expelling him na lang para wala nang ganung problema.”
Matatandaang noong Disyembre 1, 2025 nang tuluyang suspendihin sa Kamara si Barzaga sa loob ng 60 araw kung saan umabot sa 249 kongresista ang bumoto pabor sa suspensiyon, habang 11 ang nag-abstain at 5 ang kumontra.
KAUGNAY NA BALITA: 'Guilty sa ethics complaint!' Kiko Barzaga, 60 araw suspendido, wala ring suweldo
Inutusan din ng Kamara si Barzaga na burahin ang lahat ng 24 kontrobersiyal na posts sa loob ng 24 oras.
Nagbabala pa ang ethics committee na mas mabigat na parusa ang kahihinatnan sakaling maulit ang kaparehong asal.
Samantala, iginiit ni Barzaga na handa siyang tumanggap ng anumang desisyon, pero nanindigang hindi niya sinuway ang code of conduct ng Kamara.