January 24, 2026

Home BALITA National

Torre, nakaladkad sa isyu ng flood control dahil kay Bernardo—Sen. Lacson

Torre, nakaladkad sa isyu ng flood control dahil kay Bernardo—Sen. Lacson
Photo courtesy: Screenshot from Kapihan sa Senado/via MB

Ikinagulat daw ni Senate President Pro Tempore at chairperson ng Senate Blue Ribbon Committee na si Panfilo "Ping" Lacson ang pagbanggit ni dating Department of Public Works and Highways (DPWH) undersecretary Roberto Bernardo kay dating Philippine National Police (PNP) chief at ngayo'y general manager ng Metro Manila Development Authority (MMDA) na si Nicolas Torre III, sa isyu ng flood control projects.

Sa isinagawang "Kapihan sa Senado" press conference noong Miyerkules, Enero 14, sinabi ni Lacson na nag-alok umano ng kustodiya si Torre kay Bernardo ngunit nabigo ito.

Aniya, malaking tanong para sa kaniya kung paano nadawit ang pangalan ni Torre sa isyu ng flood control.

Dagdag pa ni Lacson, mag-iisyu pa sila ng subpoena sa ilang mga indibidwal para sa isasagawang pagtalakay ng Blue Ribbon Committee na may kinalaman pa rin sa flood control project scam.

National

Sen. Estrada sa ₱800 wage hike ng mga kasambahay: 'A great help'

Nang linawin naman kay Lacson ang tungkol dito, sinabi niyang nagulat daw mismo si Bernardo kung bakit nag-alok ng kustodiya si Torre sa kaniya. 

Nangyari daw ito sa ikatlong appearance ni Bernardo sa hearing ng Blue Ribbon.

"Ikinuwento niya sa amin 'yan. Na sinabi sa kaniya, puwedeng mag-seek ng sanctuary kung gusto niya, pero paglabas niya doon sa pinanggagalingan niya, nakita niya si General {Nicolas] Torre. Umatras siya, 'Doon na lang ako kay Sen. Lacson.' Although he was not under my direct custody ha, that time... hindi siya pumayag na magpa-custody kay Gen. Torre," kuwento ni Lacson.

Dagdag pa ni Lacson, "Hindi ko nga alam, it was a big and still a big wonder sa akin, bakit napasok sa picture o sa scene, sa eksena si Gen. Torre."

Nang tanungin naman kung ipapatawag ba niya si Torre, "Hindi pa. Gusto muna nating marinig kay Usec Bernardo, although nasabi na niya sa akin 'yan, hindi pa lang niya nai-testify. Hindi lang sa akin kundi sa harap mismo ng aking mga kasamang abogado, at meron din siyang kasama no'ng naikuwento niya. Kaya nagulat nga rin ako."

Nawaglit naman daw sa isip ni Lacson ang anggulong iyon dahil sa dami ng mga dapat gawin, lalo na sa imbestigasyon ng flood control project scam.

Naungkat daw ulit ang tungkol sa usaping iyon nang magsagawa sila ng pulong noong Lunes, Enero 12. 

Wala pang reaksiyon, tugon, o pahayag ang kampo ni Torre tungkol sa nabanggit ni Lacson.