January 24, 2026

Home BALITA

Sen. Bam sa isyu ng flood control: 'Hindi natin dapat pakawalan!'

Sen. Bam sa isyu ng flood control: 'Hindi natin dapat pakawalan!'
Photo courtesy: Bam Aquino/FB


Naniniwala si Sen. Bam Aquino na hindi raw dapat palagpasin ang isyu ng mga maanomalyang flood control projects sa iba’t ibang panig ng bansa hangga’t walang napapanagot.

Sa ibinahaging social media post ni Sen. Bam nitong Huwebes, Enero 15, sinabi niya na maaaring maulit ito kung hindi mabibigyang-pansin.

“Hindi natin dapat pakawalan ang isyu ng flood control hangga’t walang nananagot,” panimula ni Sen. Bam.

Giit pa niya, “Kapag hindi ito tututukan, mauulit at mauulit lang ang korapsyon. Taumbayan na naman ang apektado—at sa totoo lang, nakakapagod na ito.”

Binigyang diin din ng mambabatas ang kahalagahan ng hustisya—na siya umanong ipinapanawagan ng mga Pilipino.

“May mga naging pagbabago at mas maayos ang 2026 budget kumpara sa 2025. Pero hindi sapat ang pagbabago lang. Kailangan ng hustisya, dahil iyon ang malinaw na hinihingi ng taumbayan,” anang mambabatas.

Kaugnay nito, diretsahan namang sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro na magpapatuloy ang imbestigasyon hinggil sa mga iregularidad sa naturang flood control, sa tulong ng Independent Commission for Infrastructure (ICI)—at kahit isa na lang ang miyembro nito.

“Sa kasalukuyan po, nagtatrabaho pa rin po ang mga nasa ICI, at nandiyan din po ang Ombudsman na nangako na magpapatuloy po sila—at nandiyan po pa rin ang enthusiasm na pabilisin ang pag-iimbestiga sa mga nasampahan na ng kaso. So hindi naman po titigil, kahit po sabihin natin na isa na lang ang miyembro ng ICI—nandiyan pa rin naman ang executive director. Patuloy pa rin po ang pag-iimbestiga, [so] hindi po titigil sa pag-iimbestiga,” saad ni Castro.

MAKI-BALITA: Kahit isa na lang ang miyembro: Usec. Castro, sinabing patuloy imbestigasyon ng ICI-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA