Mahigpit pa ring binabantayan ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) ang patuloy na pagtaas ng mga aktibidad sa Bulkang Mayon, habang nanatili itong nakataas sa Alert Level 3.
Base sa kanilang 24-hour observation simula 12 AM ng Miyerkules, Enero 14, hanggang 12 AM nitong Huwebes, Enero 15, nakapagtala na ng 207 rockfall events at 27 Pyroclastic Density Currents (PDCs) o uson sa Mayon.
Nagpapatuloy rin ang pagbuga nito ng abo habang kitang-kita pa rin ang banaag o crater glow nito.
Ayon din sa nasabing obserbasyon, nakapagtala ang ahensya ng 987 toneladang sulfur dioxide at 800 metrong pagtaas ng usok mula sa taluktok ng Mayon.
Kaya mariin na ipinagbabawal ng Phivolcs sa mga residente ang pagpasok sa anim na kilometrong radius ng Permanent Danger Zone at pagpasok nang walang pag-iingat sa Extended Danger Zone (EDZ).
Gayundin ang pagpapalipad ng anumang sasakyang panghihipawid sa babaw ng Mayon.
Matatandaang una nang itinaas ang Alert Level 3 sa Mayon noong Enero 6.
MAKI-BALITA: Mayon Volcano, itinaas sa Alert Level 3 ng Phivolcs
Ibinaba rin ni Tabaco City Mayor Rey Bragais ang direktibang preemptive at mandatory evacuation sa mga residente ng lungsod noong Enero 6 bilang pag-iingat mula sa pag-aalburoto ng Mayon.
MAKI-BALITA: Preemptive at mandatory evacuation, ibinaba na sa ilang barangay sa Tabaco, Albay
Sean Antonio/BALITA