January 26, 2026

Home BALITA National

Rep. Tiangco, kinuwento pagtalak ni PBBM kina Romualdez, Co; Sen. Ping, mas hinayang kay Guteza?

Rep. Tiangco, kinuwento pagtalak ni PBBM kina Romualdez, Co; Sen. Ping, mas hinayang kay Guteza?
Photo courtesy: MB FILE PHOTO

Muling ikinuwento sa publiko ni Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco ang umano’y pagpuna ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., kina Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez at dating Ako Bicol Partylist Rep. Zaldy Co. 

Ayon kay Tiangco, sa panayam sa kaniya sa The Spokes ng Bilyonaryo News Channel noong Enero 12, 2026, binalikan niya ang umano’y naging pagpupulong nila ng Pangulo at ni Romualdez noong Nobyembre 2024. 

“Ganito ang sitwasyon noon, eksaktong-eksakto, after lunch pinatawag kaming dalawa… nandyan siya, nandyan ako,” paglalarawan niya. 

KAUGNAY NA BALITA: PBBM, binulyawan umano noon sina Romualdez, Co sa sobrang pangungupit sa Kongreso—Toby Tiangco

National

Ogie Diaz, pinalagan sinabi ni Greco Belgica na hayaan mga 'tunay na lalaki' sa gobyerno

Pagtutuloy pa niya, “Unang sabi niya, ‘Martin, kayo ni Zaldy, ilang bahay ba ang gusto n’yo sa Forbes Park? Gaano karaming eroplano, helicopter ang kailangan n’yo? Gaano karaming caviar ang kaya n’yong kainin? Ilang Ferrari ang gusto n’yo?’” 

Ani Tiangco, idiniin daw noon ng Pangulo kina Romualdez at Co na wala raw siyang natatanggap at naipapagawa dahil sa umano’y pagkuha ng pera ng dalawa sa Kongreso noon. 

“Ang ang sabi niya, ‘At alam mo Martin na wala akong natatanggap diyan. Wala akong nagagawa. Dalawang taon na ako dito, wala akong naipapagawa dahil kayo ni Zaldy, kinukuha n’yo ‘yong pera ng Congress,’” pagkukuwento ni Tiangco. 

Sa kabila ng matagal nang isinisiwalat ni Tiangco, muli ring idiniin sa publiko ni Senate President Pro Tempore Panfilo “Ping” Lacson na wala raw ibang direktang nagdidiin kay Romualdez maliban sa naging affidavit ni Orly Guteza sa pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee noon. 

“Halimbawa si [former House] Speaker Romualdez, sa ngayon as we speak, wala naman talagang direct nag-implicate sa kaniya except Guteza,” saad ni Lacson sa “Kapihan sa Senado” noong Miyerkules, Enero 14, 2026. 

Dagdag pa niya, “Matibay sana kung si Guteza [ay] nandiyan, nagpunta sa DOJ, sa Ombudsman, at nag-affirm ng kaniyang affidavit…” 

Samantala, wala pang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Romualdez at Co tungkol sa pagdidiin ng mga nasabing mambabatas. 

MAKI-BALITA: Sen. Ping, bibigyan 1 oras si Sen. Imee kung may ebidensya vs Romualdez!

MAKI-BALITA: Torre, nakaladkad sa isyu ng flood control dahil kay Bernardo—Sen. Lacson

Mc Vincent Mirabuna/Balita