Personal na iniabot ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. ang ₱5 milyong halaga ng tulong-pinansyal para sa mga ospital sa lalawigan ng Cebu.
Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 15, sinabi ni Palace Press Officer and PCO Undersecretary Atty. Claire Castro na layon nitong pabutihin at palawakin pa ang serbisyong medikal na ibinahagi ng mga naturang ospital sa mga Cebuano.
“Sinisiguro ngayon ni Pangulong Marcos Jr. na magpapatuloy ang trabaho ng buong puwersa ng pamahalaan upang mas lalo pang mapabuti, mapalawak, at mapalapit ang mga serbisyong naglalayong bantayan ang kalusugan ng mamamayang Pilipino,” panimula ni Castro.
Aniya, “Binisita kaninang umaga ng Pangulo ang Cebu Provincial Hospital-Balamban upang personal na ipaabot ang ₱5 milyong tulong pinansyal para sa pagpapabuti ng mga pasilidad ng ospital. Kasama rin dito ang 20 wheelchair at mga gamot.”
Liban dito, nagbahagi rin ng ilang kagamitan ang Pangulo sa mga piling ospital sa probinsya.
“Namahagi rin si Pangulong Marcos Jr. ng tig-iisang X-ray machine at portable ultrasound para sa Cebu Provincial Hospital-Danao City, Cebu Provincial Hospital-Bogo City, Daanbantayan District Hospital, at Juan B. Dosado Memorial Hospital,” ani Castro.
“Malapit sa puso ni Pangulong Marcos Jr. ang mga Cebuano kaya naman ilulunsad ni Pangulo ang guaranteed at accessible medications for outpatient treatment o GAMOT Program upang mas mapalawak ang access ng mga Cebuano sa mga kinakailangang medisina,” dagdag pa niya.
Kaugnay nito, nakisimpatya rin si PBBM sa mga naging biktima ng Binaliw landfill landslide, sa parehong lalawigan kamakailan.
“Before we start, let us take a moment of silence for the victims of the landfill incident in Barangay Binaliw, Cebu City last January 08,” saad ni PBBM.
Tiniyak rin niyang tutulong ang pamahalaan upang makabangon ang mga biktima ng naturang sakuna.
“Please be assured that the government is taking all necessary measures to ensure safety, transparency, accountability, and compassionate assistance. Burial support and other forms of aid are now being directed to those who have been affected by this tragedy,” aniya.
MAKI-BALITA: PBBM, nakisimpatya sa mga biktima ng Binaliw landfill landslide; tiniyak burial support, tulong-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA