January 26, 2026

Home BALITA National

Palasyo, sinisi paglagpak ng halaga ng piso sa paglakas ng dolyar, bakbakang US-Venezuela atbp.

Palasyo, sinisi paglagpak ng halaga ng piso sa paglakas ng dolyar, bakbakang US-Venezuela atbp.
Photo courtesy: RTVM/YT, via Balita


Tila itinuturo ng Malacañang sa pagtaas ng dolyar, sa sigalot na mayroon ang Estados Unidos at Venezuela, at sa iba pa ang patuloy na pagbaba ng halaga ng piso.

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Huwebes, Enero 15, inisa-isa ni Palace Press Officer at PCO Undersecretary Atty. Claire Castro ang iba pang mga dahilan sa pangayaring ito.

“Unang-una po, lagi naman din pong nagkakaroon ng pagme-meeting ang [Bangko Sentral ng Pilipinas] BSP at ang Pangulo,” panimula ni Castro.

Paliwanag niya, “Ang [pagbaba] ng piso kontra dolyar kamakailan ay dulot ng mga pandaigdigan at lokal na mga kaganapan. Una na [r]ito ang paglakas ng dolyar. Nariyan din ang espekulasyon kung magbababa ng interest rate ang US Federal Reserve, tensyon sa pagitan ng US at Venezuela, gayundin ang pagbabantay ng ating merkado sa pagkilos ng ating ekonomiya.”

“Ang Bangko Sentral ng Pilipinas ay patuloy na binabantayan ang lagay ng palitan ng piso kontra dolyar upang makakilos ito nang tama, kung kinakailangan,” aniya.

Nanindigan din siyang kampante raw ang central bank patungkol dito, kung kaya’t hindi pa raw dapat sila magkaroon ng “intervention.”

“Sa ngayon, kampante ang ating central bank na hindi pa sila dapat magkaroon ng intervention,” giit niya.

Binanggit pa ng press officer ang ilan sa mga umano’y hakbang ng pamahalaan upang masiguro na mapipigilan ang anumang epekto ng paglakas ng dolyar sa piso.

“Upang maibsan ang anumang epekto ng paghina ng piso kontra dolyar, kabilang sa mga hakbang ng ating gobyerno ay ang pagsigurong pagbagal ng pagtaas ng mga bilihin, pagsuporta sa investments, at ang pagpapalakas sa mga sektor ng ating ekonomiya,” anang press officer.

Dagdag pa niya, “Tandaan natin, nabanggit din po na isa sa mga naging reason dito ay ang patuloy na pagpapa-imbestiga ng mga maanomalyang flood control projects. Nakakaapekto po ito at daraanan po talaga ang sitwasyon na ito.”

“Bagama’t ganiyan ang magiging consequence, minabuti pa rin po ng Pangulo na linisin po ang gobyerno laban sa maanomalyang flood control projects, laban sa mapang-abusong paggamit ng pondo ng bayan. Kung hindi po gagawin ito ng Pangulo, hindi po siguro masisimulan ng iba. Ang nais po ng Pangulo, e maging transparent at maipakita sa taumbayan na ginagawa ng gobyerno ang paglilinis ng pamahalaan laban sa korapsyon,” pagtatapos niya.

Sa huling tala ng Bankers Association of the Philippines (BAP), muling bumulusok sa “new historic low” ang piso kontra dolyar noong Miyerkules, Enero 14, na pumalo sa ₱59.44.

KAUGNAY NA BALITA: 'All-time low!' Halaga ng piso kontra dolyar, bumulusok sa ₱59.170!-Balita

Vincent Gutierrez/BALITA