Naglabas na rin ng kanilang pahayag ang dalawa sa dating mga miyembro ng Viva Hot Babes na sina Andrea Del Rosario at Sheree tungkol sa mga kumalat na ulat na magkakaroon ng reunion concert ang kanilang grupo.
Ang Viva Hot Babes ay all-female group na kinabibilangan nina Andrea, Sheree, Katya Santos, Maui Taylor, Jen Rosendahl, JC Parker, at iba pa.
Sila ay kasabayan noon ng SexBomb Girls na kamakailan lamang, naging matagumpay ang reunion concert na umabot pa nga sa "rAWnd 5."
Dinampot ng iba't ibang news outlet ang naging sagot ni Andrea sa tanong ni Boy Abunda sa "Fast Talk with Boy Abunda" kung may balak din ang Viva Hot Babes na magkaroon ng comeback concert.
Buking ni Andrea, may lumapit daw sa kaniya habang nasa mall siya, at inurirat kung kailan naman magaganap ang reunion concert nila.
“Nandoon ako sa mall, 'tapos, may madaming nakapilang mga tao for their show the SexBomb Girls, na-recognize nila ako. And then, 'yong mga fans tinanong ako ng, 'Ma'am kailan po kayo?"
"Sabi ko, 'Pinaplano namin pero iisip lang kami ng gimmick, guys, 'cause we are not dancers," anang Andrea.
"We acknowledge kasi that we are not very good dancers like them [SexBomb Girls]. We are actresses, models, we were brought all together, and boom, Viva Hot Babes."
“Of course, we'd love to, we've been doing a lot of out-of-town shows with the Hot Babes naman. It is just that, siyempre, 'yong iba naging public service. Like ako, soap opera.”
“Now we just have to sit down one of these days, hopefully, one of these days. And hopefully... you never know, right?”
Inamin din ni Andrea na isa siyang big fan ng SexBomb Girls kahit na pinagsasabong sila noon.
Pangarap din aniya ni Andrea na sana raw ay mag-collab naman sila ng SexBomb Girls kung sakaling matuloy ang sinasabing reunion concert nila.
PAGLILINAW NI KATYA SANTOS
Agad namang naglabas ng opisyal na pahayag si Katya Santos tungkol sa sinasabing reunion concert, sa pamamagitan ng Facebook post noong Martes, Enero 13.
Sa pamagat pa lang ng post niya, malinaw na agad na sinasabi niyang walang reunion na magaganap.
Sey ni Katya, bagama’t lubos ang pasasalamat ng grupo sa patuloy na suporta at pananabik ng mga tagahanga, wala umanong nakatakdang reunion concert sa ngayon ang Viva Hot Babes.
Paliwanag ng aktres, magkakaiba na raw ang landas at prayoridad ng bawat miyembro ng grupo sa kasalukuyan. Aniya, mahal nila ang ideya ng reunion, pero hindi pa ito maaaring mangyari sa nalalapit na panahon.
Binigyang-diin din niya ang mahalagang papel ng Viva Hot Babes sa kasaysayan ng pop culture sa Pilipinas. Hindi umano ito dahil sa paghahambing o ingay, kundi dahil naging bahagi sila ng isang panahon na nagdiwang ng kumpiyansa, indibidwalidad, at malayang pagpapahayag ng sarili.
"Not because of hype or comparison, but because we were part of a time that celebrated confidence, individuality, and fearless self-expression. We weren’t just a group — we were a moment, a feeling, and a reflection of an era that many still remember fondly," aniya.
Tugon din ito ni Santos sa mga kritisismong ikinukumpara ang Viva Hot Babes sa SexBomb Girls. Ayon sa kaniya, malinaw at may paggalang niyang sinabing ang SexBomb Girls ay may sarili nang kinikilalang legacy sa industriya. Pinuri pa niya ang tagumpay ng reunion concert ng naturang grupo, na aniya’y patunay ng patuloy na pagmamahal ng publiko sa kanila.
"To those drawing comparisons with our friends, The SexBomb Girls: Let’s say this with respect and clarity; The SexBomb Girls are legendary in their own right. Their recent concert success is a beautiful reminder of how much they are loved, and we sincerely congratulate them on that milestone. They are celebrated for what they do. We are appreciated for what we did.
Different styles. Different strengths. Same era. That’s not rivalry, that's coexistence, contribution, and shared history," aniya pa.
Para naman sa mga kritiko, sinabi ni Santos na iginagalang nila ang sari-saring opinyon ng publiko. Gayunman, buo ang loob ng Viva Hot Babes na ipagmalaki ang trabahong kanilang nagawa at ang katotohanang patuloy itong tumatatak sa alaala ng mga tao.
Sa huli, muling nagpasalamat si Santos, sa ngalan ng lahat ng miyembro ng Viva Hot Babes, sa mga tagahangang patuloy na sumusuporta at nakakaunawa sa kanila. Aniya, may mga kuwentong hindi na kailangang pagbanggain o ikumpara—sapat nang manatili ang mga ito sa alaala bilang bahagi ng kasaysayan ng pop culture ng bansa.
Sa comment section, makikita naman ang pagkokomento rito ni Sheree.
"Love this girl! Katya Santos," aniya.
Nagsagawa rin siya nang live para linawing walang magaganap na reunion concert ang grupo.
Nag-iwan din ng komento sa post si Andrea at nilinaw naman ang mga naging pahayag niya sa interview ni Boy.
"And in interviews, I said 'I do hope so' and 'why not.' I didn’t say it’s for sure po. So now it’s 'officially' that we are not having any reunion show/concert anytime soon," paglilinaw pa ni Andrea.
Photo courtesy: Screenshot from Katya Santos/FB