Tila labis na kagalakan ang nadarama ni Mamamayang Liberal (ML) Party-list Rep. Atty. Leila de Lima hinggil sa paglaya ng political prisoner na si Amanda Echanis.
Kaugnay ito sa pagbabasura ng korte sa kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa kay Echanis, na naging dahilan ng kaniyang pagkakakulong sa loob ng mahigit limang taon.
KAUGNAY NA BALITA: Political prisoner Amanda Echanis, nakalaya na matapos higit 5 taon!-Balita
“Lubos ang ating kasiyahan sa pagbasura sa mga gawa-gawang kaso at sa paglaya ni Amanda Echanis,” saad ni De Lima sa kaniyang social media post na ibinahagi niya noong Miyerkules, Enero 14.
Giit pa niya, “Patunay ito: Hindi kayang ikulong ang katotohanan, at lagi’t lagi, mananaig ang hustisya.”
Nagbigay rin siya ng isang mensahe para sa kalalaya lamang na political prisoner.
“Kay Amanda: Parang kailan lang ay binati kita sa desisyon mong tumakbo sa student council at ang sabi ko pa nga sa iyo ay ibang klaseng paninindigan ang mayroon ka sa hangaring makapaglingkod sa kabila ng iyong pagkakakulong,” ani De Lima.
Dagdag pa niya, “Makakapiling mo na ang iyong anak, mababawi mo na ang mahigit limang taon na ipinagkait sa inyo. Makakabalik ka na sa unibersidad, sa espasyong malaya kang makapagsulat, matuto, at ipagpatuloy ang iyong mga adbokasiya."
”I know the weight of what you have endured. At some point, sa iyong paglaya, you may feel the adjustments are overwhelming. The world moves fast, and it might take time to regain your rhythm but never forget every step forward is yours to reclaim,” aniya pa.
Tahasan pang sinabi ng mambabatas na siguradong marami daw ang patuloy na naninindigan para sa katarungan at karapatan ng mga kagaya ni Echanis.
“Hindi natin tiyak ang panahon at kung kailan ito magiging mahinahon at tunay na makatarungan. Ang tiyak lamang ay marami tayong patuloy at sama-samang naninindigan. That is something no amount of repression can take away from us,” anang mambabatas.
“I look forward to finally meeting you. Marami tayong mapagkukwentuhan. Tuloy ang laban para sa ating mga magsasaka. Tuloy ang laban para sa paglaya ng iba pang bilanggong politikal,” pagtatapos niya.
Matatandaang napiit din si De Lima matapos ang umano’y pagkakasangkot niya sa mga kasong may kinalaman sa ilegal na droga—na kalauna’y inabswelto rin ng Muntinlupa Regional Trial Court (Muntinlupa RTC).
KAUGNAY NA BALITA: Rep. De Lima, tuluyang inabswelto ng Muntinlupa RTC sa drug-related cases-Balita
Vincent Gutierrez/BALITA