January 26, 2026

Home BALITA Probinsya

'Ilang records, dokumento kasamang natupok sa sunog sa DPWH Cordillera office!'—Magalong

'Ilang records, dokumento kasamang natupok sa sunog sa DPWH Cordillera office!'—Magalong
Photo courtesy: MB FILE PHOTO, Baguio City Public Information Office

Kinumpirma sa publiko ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na may ilang records umanong kasabay na natupok sa naganap na sunog sa regional office ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa Cordillera Administrative Region (CAR). 

Ayon kay Magalong, sa panayam sa kaniya ng Sa Totoo Lang ng One PH noong Miyerkules, Enero 14, sinabi niyang sumiklab ang sunog sa unang palapag ng nasabing opisina. 

Kasabay raw na nasunog doon ang ilang mga dokumento kaya agad na pina-secure ni DPWH Sec. Vince Dizon ang pinangyarihan ng insidente. 

“Ang nasunog ‘yong first floor [o] ground floor,” pagsisimula niya, “May mga konting records kaya nag-usap kami ni Sec. Vince. Pina-secure niya kaagad—nag-request siya ng mga secure kaagad. So naka-secure kaagad.” 

Probinsya

Public school teacher, arestado sa drug buy-bust operation!

Ani Magalong, hindi na raw nila pinayagang may makapasok pang empleyado ng nasabing opisina hangga’t hindi pa dumarating ang central office ng DPWH para magsagawa ng imbestigasyon. 

“We are not allowing any DPWH personnel to enter the fire site at darating doon bukas ‘yong mga personal nila from central office to conduct an investigation,” aniya. 

Dagdag pa niya, “We’re waiting. Hinihintay natin kung ano ‘yong resulta ng investigation mismo ng Bureau of Fire [of the Philippines]. At sabi ko nga, magco-conduct din ng sariling imbestigasyon ang central office nila.”

Dahil dito, tila hindi rin daw maitatanggi ni Magalong ang mag-isip sa dahilan ng pagkasunog ng mga opisina ng DPWH. 

“Syempre hindi mo maiiwasan na mag-iisip ka rin. Bakit ba naman ito [nasunog], bakit sa records?” tanong niya. 

Giit naman niya, “Pero hintayin na lang natin kasi mga statement pa lang ng mga statement ng mga witnesses ang nakuhanan at sinasabi nila lahat na nakaamoy sila ng usok. Una ‘yong mga statements nila kaya siguro [ay] hintayin na lang natin. Pinakamaganda. Mahirap din kasing gumawa ng mga haka-haka.”

Nilinaw din ni Magalong na mga dokumento o hard copies ang kasabay na natupok ng sunog sa nasabing opisina. 

“Documents. Kaya na-stressed na naman si Sec. Vince kanina… Hahaba ‘yong bigote niya ulit,” pagtatapos pa niya. 

MAKI-BALITA: DPWH, nilinaw na walang flood-control projects documents na nadamay sa sunog sa QC

MAKI-BALITA: 'Sunog-ebidensya sa flood control scandal?' Netizens naghinala sa pagkatupok ng DPWH building sa QC

Mc Vincent Mirabuna/Balita