“Filipinos everywhere are known for their love of God, their fervent piety and their warm devotion to Our Lady and her rosary.”
Tinatayang milyon-milyong Katolikong Pilipino ang nagtipon sa Villamor Air Base, Pasay City hanggang sa Apostolic Nunciature, Maynila, noong Enero 15, para salubungin si Pope Francis o “Lolo Kiko.”
Sa temang “Mercy and Compassion,” o “Habag at Malasakit,” naging makasaysayan ang limang araw na pagbisita ng Santo Papa sa bansa dahil sa pagbibigay-pansin at pagpapahalaga sa mga mahihirap at nasa laylayan ng lipunan.
Matatandaan na parte ng naging pagbisita ni Lolo Kiko ay ang pagpunta niya sa Tacloban, Leyte, para makiisa at manguna sa misa, para sa mga nabiktima ng bagyong Yolanda na kumitil sa higit 6,000 katao noong Nobyembre 2013.
Nakasama rin dito ng Santo Papa ang mga nabiktima ng magnitude 7.2 na lindol sa probinsya ng Bohol noon namang Oktubre 2013, na kumitil sa higit 200 katao.
Sa kabila ng pagbuhos ng ulan, libo-libong residente ang nagtipon para mainit na salubungin si Lolo Kiko at makinig sa kaniyang mensahe.
“We are so happy, and we are so blessed that we met the Pope,” saad ng isa sa mga residente.
Habang ang ilan ay hindi makapaniwala na nakita nila nang personal si Lolo Kiko, lalo na’t nakikiisa pa ito sa pagdadalamhati nila mula sa pagkawala ng kanilang mga kaanak at ari-arian.
“So many of you have lost everything. I don’t know what to say to you, but the Lord does know what to say to you. All I can do is keep silence, and I walk with you all with my silent heart,” saad ng Santo Papa.
Aniya pa, sa kabila ng sakit at kawalan na iniwan ng mga sakuna, manatiling panghawakan ang kapayapaan na dala ni Hesus at Birheng Maria.
“In the moments where we have so much pain where we no longer understand anything, all we could do is grab hold of our hand firmly. Let us look onto the Christ at the cross, He understands us because He endured everything,” saad ni Lolo Kiko, bilang pagpapatibay sa loob ng mga nakaligtas mula sa bagyo at lindol.
Sa huling misa naman ni Lolo Kiko pagbalik niya sa Maynila, tinatayang anim na milyon ang nagtipon sa Rizal Park, na higit pa sa apat na milyong tala ng mga dumalo sa World Youth Day na pinangunahan naman ng dating santo papa na si St. John II.
People’s Pope
Sa paninilbihan ni Lolo Kiko sa pagka-Santo Papa, kinilala siyang “People’s Pope” dahil bukod sa kaniyang pagpapakumbabang-loob, may adbokasiya rin siya para sa mga mahihirap, nasa laylayan ng lipunan, at mga migrante.
Gumuhit din ng kasaysayan si Lolo Kiko dahil sa paggamit niya ng social media para mas mapalaganap, partikular sa kabataan, ang salita ng Diyos.
Urbi et Orbi
Isa pa sa mga naging highlight ng kaniyang pagka-Santo Papa ay ang inialay niyang prayer service sa St. Peter’s Square sa Vatican sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic.
Bagama’t walang tao ang nakapunta sa basilica dahil sa mga paghihigpit noong pandemya, pinagtibay ni Lolo Kiko ang loob ng buong mundo sa pamamagitan ng dasal.
Jorge Bergoglio
Ipinanganak bilang Jorge Bergoglio, pinili ni Lolo Kiko ang pangalangang “Francis” nang una siyang ipinakilala bilang Santo Papa noong 2013 bilang pag-alala kay St. Francis of Assisi, na isang prayle noong ika-13 na tinanggihan ang yaman ng kaniyang pamilya para makipamuhay at mag-ministro sa mga mahihirap.
Sean Antonio/BALITA