Idiniin ni Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla na aabot sa mahigit 320,000 na bilang mga pulis ang magsasagawa ng manhunt operation sa negosyanteng si Atong Ang.
Ayon sa isinagawa press briefing ng DILG nitong Huwebes, Enero 15, sinabi ni Remulla na akusado si Ang kaugnay sa umano’y pagpatay sa mahigit 100 missing sabungeros at maituturing na “number one most wanted” sa Pilipinas.
“Siguro maituturing natin na number one most wanted sa buong Pilipinas ngayon. He is accused of killing about over 100 missing Sabungeros and he is considered armed and dangerous,” diin niya.
Ani Remulla, sanay daw si Atong sa mararahas na paraan na pagharap sa awtoridad kaya kinokonsidera nilang delikadong tao ito.
“Kahit sabihin na na-cancel ang kaniyang firearms, si Atong po ay bumabyahe nang hindi kumukulang ng 20 ang bodyguard lagi. Sanay po ‘yan sa marahas na pagharap sa mga awtoridad. Sanay po ‘yan sa marahas na paraan para masolusyunan ang kaniyang mga problema,” paliwanag niya.
“So we consider him armed and dangerous. Ibig sabihin gagawin ng pulis ang lahat para proteksyunan ang sarili nila sa kakayahan ni Atong Ang,” pahabol pa niya.
Pagpapatuloy ni Remulla, mahigit 320,000 bilang ng mga miyembro ng Philippine National Police (PNP) ang magsasagawa ng manhunt operation para mahanap ni Ang.
“Ang manhunt po sa kaniya ay buong 320,000 members ng PNP ay hahanapin siya sa buong Pilipinas at lahat ng paraan na kailangang gawin para kunin siya ay gagawin namin,” aniya.
“Pero may garantisa po kami na walang EJK—wala pong extra-judicial killing na plano ang PNP. mag-iingat lang po ang ating mga tauhan na hindi sila masaktan sa pagkuha kay Atong Ang,” pagtatapos pa niya.
MAKI-BALITA: May ₱10M patong sa ulo: Atong Ang, isa na sa mga 'most wanted' sa Pilipinas!
MAKI-BALITA: Walang piyansa! Atong Ang, iba pa pinapaaresto na
Mc Vincent Mirabuna/Balita