Pinatulan ni Senate Pro Tempore Sen. Ping Lacson ang pahayag ni Sen. Imee Marcos hinggil sa magsabunutan umano sila dahil sa isyu ng allocables.
Sa press briefing ni Lacson nitong Miyerkules, Enero 14, 2026, tila nagpatutsada siya hinggil sa pagkakaroon umano ng pekeng mukha at pagiging tunay daw na lalaki.
“Either senator Imee thought na peluka yung buhok ko or she's insinuating na bakla ako kaya siya naghamon ng sabunutan,” ani Sen. Lacson.
Dagdag pa niya, “Hindi po peluka ang aking buhok. Idugtong ko na rin na walang peke sa mukha ko. Hindi rin pustiso ang ngipin ko, my teeth are all mine. Uulitin ko, walang peke sa anumang bahagi ng aking mukha.”
Iginiit din ng senador na hindi rin daw siya isang bakla.
“Lalong hindi ako bakla! At kung iniisip ni Sen. Imee na bakla ako, wala siyang maaaring makita na macho dito sa mundo,” anang senador.
Paglilinaw naman ni Lacson na wala raw siyang masamang pagtingin para sa mga bakla.
Giit niya, “Please don't get me wrong, I have nothing against homosexuals. Its their choice, and I respect them to that. But, as far as I am concern, kahit hindi ako kagwapuhan, para sa akin, masarap pa rin na maging tunay na lalaki.”
Dugtong pa niya, “At tulad nina Tito Sotto at Gringo Honasan, macho din po ako. Lalaking lalaki, period.”
Matatandaang noong Linggo, Enero 11 nang maglabas ng pahayag si Sen. Imee matapos ihayag ni Sen. Lacson na may allocables umano ang senadora.
"Medyo nakakatawa siya, 'di niya alam lahat 'yan ay wishlist na binigay sa DPWH Central Office," anang senadora.
Dagdag pa niya, "Clueless ba siya na kaming oposisyon lahat [ay] FLR or 'for later release' kaya ni isa diyan ay walang naibigay. Zero kaming lahat nila Bong Go, Bato at Robin!"
Banat pa niya, "Parang masyadong gigil itong si Senator Ping sa akin, baka makipagsabunutan-sure akong talo ako diyan!"
KAUGNAY NA BALITA: Baka makipagsabunutan! Sen. Imee, pumalag sa akusasyon ni Sen. Ping na may 'allocables' din siya