Isiniwalat sa publiko ni Senate President Pro Tempore Panfilo "Ping" Lacson ang pagbili umano ni Leyte 1st District Rep. at dating House Speaker Martin Romualdez ng bahay at lupa sa isang subdibisyon sa Makati City, katulong ang mga Discaya.
Ayon kay Lacson, sa isinagawang “Kapihan sa Senado” nitong Miyerkules, Enero 14, ibinahagi niya sa publiko ang mga report na natatanggap nila tungkol sa mga umano'y ari-ariang binili ni Romualdez sa nasabing subdibisyon.
“We would like to clarify persistent reports that former Speaker Martin Romualdez had purchased a house and lot in a flash subdivision in Makati City using the Discayas as front in the said sale,” pagsisimula niya.
Ani Lacson, maaari daw itong magbigay ng posibleng koneksyon sa pagitan ni Romualdez ng mga Discaya kung mapapatunayang totoo.
“If it is verified to be true, this could possibly establish a direct connection between the former Speaker and the Discayas,” aniya.
Dagdag pa niya, “In this regard, we may invite the former owner of the property…”
Buwelta pa ni Lacson kay Sen. Imee Marcos, hindi raw napapatunayan ng pag-iingay lang kung sino ang “guilty” sa maanomalyang flood control projects, kundi kailangan ang mga ebidensya.
“This is what I’m advising Sen. Imee Marcos. Noise does not convict neither does it… even who may be perceived as the most guilty in the Flood Control Project Saga—only evidence does,” pagdidiin niya.
Nagawa ring imbitahan ni Lacson si Marcos sa kanilang pagdinig sa Senate Blue Ribbon Committee kaugnay sa maanomalyang flood control projects kung mayroon daw itong ebidensya laban kay Romualdez.
“Kaya kung mayroon siyang maiaambag na ebidensya para madiin ang kaniyang pinsan, sumali siya sa pagdinig,” saad niya.
“Walang pipigil sa kaniya at walang magbabawal sa sasabihin o gagawin niya,” pagtatapos pa niya.
Samantala, wala pang inilalabas na pahayag, tugon, o reaksyon si Romualdez kaugnay sa isiniwalat ni Lacson.
MAKI-BALITA: Sen. Ping, bibigyan 1 oras si Sen. Imee kung may ebidensya vs Romualdez!
MAKI-BALITA: Sen. Ping, binarda pahayag ni Sen. Imee na pakikipagsabunutan: 'Walang peke sa mukha ko!'
Mc Vincent Mirabuna/Balita