Nagpahayag si Cavite 4th District Rep. Kiko Barzaga na dadalhin niya sa korte ang umano’y bribery case laban sa negosyanteng si Enrique Razon, kasabay ng kaniyang paninindigang ilahad ang mga ebidensiya kaugnay ng kaniyang mga alegasyon.
Sa isang pahayag, sinabi ni Barzaga na ihaharap niya ang kaniyang mga ebidensiya hindi lamang sa hudikatura kundi maging sa Kongreso.
“I will be taking the Enrique Razon bribery case to the court,” ani Barzaga.
Dagdag pa ng mambabatas, “I will be presenting the evidence of my claims in both Congress and in Court.”
Ayon sa kaniya, ang hakbang ay bahagi ng kaniyang tungkulin bilang halal na opisyal upang panagutin ang mga umano’y may pananagutan, anuman ang kanilang estado sa lipunan.
Binatikos din ni Barzaga ang umano’y impluwensiya ng malalaking negosyante sa bansa.
“Our country is controlled by wealthy businessmen and Razon is the most powerful of them all,” pahayag niya. Gayunman, iginiit ng kongresista na hindi siya uurong sa laban. “But good must always stand against evil. No matter how wealthy and influential that evil is, for that is my duty as a trusted leader of the Filipino People.”
Ang pahayag ni Barzaga ay inilabas sa gitna ng umiinit na palitan ng akusasyon sa pagitan niya at ni Razon, na nauna namang naghain ng cyberlibel complaints laban sa mambabatas kaugnay ng mga naunang pahayag nito sa social media.
KAUGNAY NA BALITA: 'Two counts pa!' Enrique Razon, sinampolan ng cyber libel case si Rep. Barzaga
Sa ngayon, wala pang opisyal na tugon si Razon sa pinakahuling pahayag ni Barzaga.
Maki-Balita: 'He is poor in the eyes of God!' Rep. Barzaga, nanindigang lalabanan si Enrique Razon