Ibinasura na ng Regional Trial Court, Branch 10, Tuguegarao, Cagayan ang kasong illegal possession of firearms and explosives na isinampa laban sa political prisoner na si Amanda Echanis noong Disyembre 2020.
Sa latest Facebook post ng Free Amanda Echanis Movement nitong Miyerkules, Enero 14, inanunsiyo nila ang paglaya ni Amanda.
“Matapos ang higit limang taong di makatarungang pagkakaaresto ay nabasura na ang mga gawa-gawang kasong sinampa sa kanya ng pasistang estado,” saad ng kilusan.
Dagdag pa nila, “Patunay ito na mananaig ang hustisya sa sama-samang pagkilos. Patunay ito ng kawalan ng kredibilidad ng reaksyunaryong estado. Patunay ito na mapapalaya rin natin ang iba pang mga bilanggong politikal!”
Matatandaang bumuo ng petisyon ang mga manunulat at iskolar ng panitikan noong Disyembre 2024 para iapela ang paglaya ni Amanda.
Hindi iyon ang unang beses na naglabas sila ng pahayag para sa kanilanng alumna.
Ayon sa ulat ng Manila Bulletin noong Disyembre 2020, kinondena ng UP Departamento ng Filipino at Panitikan ng Pilipinas (UP-DFPP) ang pagkaaresto kay Amanda at nanawagan ding palayain ang huli.
Si Amanda ay nagtapos sa UP Diliman sa ilalim ng programang BA Malikhang Pagsulat.
Maki-Balita: Mga manunulat at iskolar ng panitikan, bumuo ng petisyon para palayain si Amanda Echanis