Kakaiba man ang kondisyon ng isang 5-anyos na bata mula sa SK Sungai Tisang, sa Bintulu, Malaysia, sa mga kaklase niya, unti-unti naman siyang natutuhang tanggapin ng kaniyang mga nakakahalubilo.
Pinagsusumikapan ni Missclyen Roland na umangkop sa bago niyang kapaligiran ngayong nag-aaral na siya.
Ito ay sa kabila ng kaniyang kondisyon na kung tawagin ay hypertrichosis o mas kilala bilang werewolf syndrome. Isa itong kondisyon na bunga ng genetic mutation, mga medikasyong iniinom, metabolic disorders, chronic skin irritation, at iba pa.
Ayon sa ulat ng The Strait Times nitong Miyerkules, Enero 14, halo-halong emosyon umano ang natanggap ni Missclyen sa unang araw niya sa klase bilang pre-school student.
“Her first day was different. Some of her classmates ran out of the classroom. Some were scared, and others laughed at her, leaving my daughter feeling overwhelmed,” lahad ni Roland Jimbai, ama ni Missclyen.
Maraming oras pa umano ang bibilangin bago tuluyang matanggap si Missclyen ng mga kaklase nito.
Pinayuhan ang pamilya na papasukin ng paaralan ang kanilang anak upang makita kung magiging komportable ba ito sa paligid na gagalawan nito bago sila magpasya ng isang long-term arrangement para sa makakabuti sa kapakanan ng bata.
Ngunit nasisiyahan naman daw si Missclyen sa paaralan. Sa katunayan, nang tanungin kung gusto ba nito ang pamamalagi rito, oo raw ang sagot ng bata.
Nakatulong din umano ang mga kapatid ni Missclyen na nag-aaral din sa parehong paaralan upang makaangkop siya rito.
Sa kasalukuyan, tututukan muna nila ang progreso ni Missclyen at tatapusin ang kinakailangang papel bago maisapinal ang schooling arrangement nito.