Walang plano ang mga pamilya ng mga nasawi sa Traslacion na magsampa ng reklamo laban sa pamunuan ng Minor Basilica and National Shrine of Jesus Nazarene o Quiapo Church, ayon sa National Capital Region Police Office (NCRPO).
Sa isang press conference, sinabi ni NCRPO spokesperson Police Major Hazel Asilo na wala umanong nagpahayag mula sa mga kaanak ng mga biktima ng intensiyong panagutin ang Minor Basilica of Jesus Nazareno, na siyang nangangasiwa at nag-oorganisa ng taunang Traslacion.
Ayon sa kaniya, malinaw sa mga pamilya na ang pagsali sa prusisyon ay may kaakibat na panganib dahil sa siksikan at haba ng aktibidad.
“Based doon sa pag-imbestiga ng ating mga tauhan mula sa homicide, walang plano or wala silang naiisip na reason para kasuhan yung simbahan regarding sa nangyayari sa kanilang pamilya,” pahayag ni Asilo.
Dagdag pa niya, “Kasi alam naman nila yung consequence nung pagpunta nila dun, aware sila dun sa mga posibleng mangyayari.”
Nilinaw rin ng NCRPO na patuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa mga pamilya ng mga nasawi upang magbigay ng tulong at suportang kinakailangan, kabilang ang koordinasyon sa mga lokal na pamahalaan at iba pang ahensya.
Ayon sa pulisya, wala ring indikasyon na may kapabayaan o direktang pananagutan ang simbahan sa mga insidente ng pagkamatay.
Apat na katao ang iniulat na nasawi sa Traslacion na nagsimula noong Biyernes, Enero 9, 2026 at nagtapos ng Sabado, Enero 10. Ang ilan sa mga nasawi ay iniulat na nakaranas ng medical emergencies habang nasa gitna ng mahabang prusisyon.
Maki-Balita: Flat na flat yung tiyan! Debotong nakihila ng tali, patay matapos magulungan ng andas!
Ang Traslacion ngayong taon ay tumagal ng 30 oras, 50 minuto, at 1 segundo—na itinuturing na pinakamatagal sa kasaysayan ng nasabing relihiyosong debosyon. Ayon sa Quiapo Church, tinatayang 9,640,290 deboto ang lumahok sa prusisyon, na muling nagpakita ng malawak at matibay na pananampalataya ng mga mananampalataya sa Poong Nazareno.
Batay naman sa datos mula sa Quiapo Church, kabuuang 1,057 medical cases ang naitala sa buong panahon ng pagdiriwang, kabilang ang pagkahimatay, altapresyon, at iba pang karamdaman na dulot ng pagod at siksikan. Nakatulong umano ang agarang responde ng mga medical team at volunteer upang maiwasan ang mas malalang insidente.
Samantala, sinabi ng NCRPO na patuloy nilang susuriin ang mga naging hakbang sa seguridad at crowd management upang mapahusay pa ang paghahanda at pag-iingat sa mga susunod na Traslacion, lalo na sa inaasahang mas malaking bilang ng mga debotong lalahok sa mga darating na taon.