January 24, 2026

Home BALITA National

Palasyo, binara si Tiangco: 'Iba flood control mess vs impeachment kay VP Sara Duterte!'

Palasyo, binara si Tiangco: 'Iba flood control mess vs impeachment kay VP Sara Duterte!'
Photo courtesy: PCO (FB), MB FILE PHOTO

Sinagot ng Malacañang ang naging pahayag ni Navotas City lone district Rep. Toby Tiangco tungkol sa posibilidad niyang hindi umano makiisa sakaling matuloy ulit ang impeachment complaint laban kay Vice President Sara Duterte. 

Sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Miyerkules, Enero 14, sinabi ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Usec. Claire Castro na hindi raw nila pipigilan ang opinyon ni Tiangco. 

“Hindi natin puwedeng pigilan kung ano man ang opinyon ni Toby Tiangco,” pagsisimula niya, “Kung dati nga po ay hindi siya pumirma sa nasabing impeachment complaint dahil divisive o dahil magiging cause ng pagkakahati-hati.” 

Ani Castro, wala naman daw koneksyon ang nangyayari sa maanomalyang flood control projects sa impeachment complaint na kinaharap o kakaharapin ulit ni VP Sara. 

National

Grok, hindi na aalisin sa Pinas—DICT

“At ngayon naman po ay iba na ang kaniyang dahilan. Ito daw ay dahil sa kung walang maipapakulong na big fish. Sa ordinaryong pananaw, hindi naman po konektado ang flood control mess sa impeachment complaint kung isasampa man ito kay Bise Presidente,” aniya. 

Dagdag pa niya, “Iba po ang isyu ng ng kinapapalooban o kinasasangkutan ng Bise Presidente, at iba naman po ‘yong flood control projects.” 

Pagpapatuloy ni Castro, hindi raw dapat na dumepende ang desisyon ng nasabing mambabatas kung makikiisa ito sa nagbabadyang impeachment complaint kay VP Sara sa nagiging resulta ngayon ng imbestigasyon sa flood control anomalies. 

“Alam naman po natin na hanggang sa ngayon, ang Pangulo at ang administrasyon ay patuloy na nagtatrabaho upang mapanagot ang dapat na mapanagot,” diin niya. 

“Hindi po siguro dapat na ikinukumpara… hindi dapat na ini-equate, hindi siya dapat depende, ang anomang desisyon patungkol sa impeachment complaint, hindi siya depende sa outcome ng pag-iimbestiga sa flood control projects,” pagtatapos pa niya. 

Kaugnay nito ng naging pahayag ni Tiangco sa panayam sa kaniya ng The Big Story ng One News PH noong Enero 12, 2026. 

I’ll be very honest dito sa stand ko dito [sa impeachment complaint], if come [February 6] wala pang big fish, ibig sabihin at least si Zaldy Co [ay] hindi pa naibabalik dito, hindi ako pipirma [at] hindi ako makikiisa doon…” direktang pahayag ni Tiangco. 

Samantala, wala pa naman tugon, reaksyon, o pahayag si Tiangco tungkol sa naging komento ni Castro. 

MAKI-BALITA: Atty. Claire Castro, nagreklamo sa NBI dahil nakatanggap umano ng pagbabanta

MAKI-BALITA: Palasyo vs DDS? Atty. Castro, tumirada sa maghahain ng impeachment complaint kay PBBM

Mc Vincent Mirabuna/Balita