January 24, 2026

Home BALITA

'Makakaasa kayo!' PBBM tiniyak pag-alalay sa mga Pinoy kahit nasaan man sila

'Makakaasa kayo!' PBBM tiniyak pag-alalay sa mga Pinoy kahit nasaan man sila
Photo courtesy: Bongbong Marcos/FB


Siniguro ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na patuloy niyang tutugunan ang pangangailangan ng mga Pilipino—nasaan man silang panig ng mundo.

Kaugnay ito sa isinagawang “1-day working visit” ni PBBM sa bansang United Arab Emirates (UAE) noong Martes, Enero 13, upang talakayin ang iba’t ibang isyu at paigtingin ang relasyon nito sa bansa.

KAUGNAY NA BALITA: 'Hindi bakasyon at pansarili!' Castro, ipinaliwanag pagbisita ni PBBM sa UAE-Balita

Sa ibinahaging social media post ng Pangulo nitong Miyerkules, Enero 14, mababasa ang pagpuri ni PBBM sa Filipino community sa kabisera ng UAE.

“Meeting our Filipino community in Abu Dhabi is always a reminder of why Filipinos are held in such high regard around the world. Through your hard work, professionalism, and bayanihan spirit, you bring honor not only to yourselves but to our entire nation,” saad ni PBBM.

Giit pa niya, “Makakaasa ang ating mga kababayan na ang pamahalaan ay patuloy na tutugon at aalalay, saan man kayo naroroon sa mundo.”

Sa hiwalay na social media post noon namang Martes, Enero 13, makikita rin ang pagdalo ng Pangulo sa “Abu Dhabi Sustainability Week” at ang pakikipagdayalogo niya sa DAMAC Digital, na nagpakita ng interes na mag-invest sa bansa.

Matatandaang ipinaliwanag ni Palace Press Officer at Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary Atty. Claire Castro ang pagbisita ni PBBM sa UAE.

“Hindi bakasyon at pansarili ang pagpunta sa Abu Dhabi. Trabaho at negosyo, pambansang interes at seguridad. Ilan lamang ‘yan sa patuloy na isinusulong ni Pangulong Marcos Jr. para sa mas maginhawa at maunlad na Bagong Pilipinas,” saad ni Castro.

Vincent Gutierrez/BALITA