January 24, 2026

Home SHOWBIZ Tsika at Intriga

'Kung sakali, hindi si Vice Ganda ang unang komedyanteng presidente!'—Jerry Grácio

'Kung sakali, hindi si Vice Ganda ang unang komedyanteng presidente!'—Jerry Grácio
Photo courtesy: via MB/Jerry Gracio (FB)

Usap-usapan ng mga netizen ang panawagan ng writer na si Jerry Grácio na ikampanya na si Unkabogable Star at "It's Showtime" host Vice Ganda na tumakbo sa pagkapangulo sa 2028.

"Seryoso ako sa Vice Ganda for President ha. Hindi siya corrupt, nakatapak ang paa niya sa lupa, alam niya ang likaw ng bituka ng masa dahil masa siya, hindi bahagi ng politikal na dinastiya, hindi politiko, hindi elite, hindi nakahulma sa lahat ng tradisyonal na politika na alam natin," mababasa sa social media post ng writer noong Martes, Enero 13.

Ibinahagi rin ni Gracio na nagpadala na raw siya ng mensahe kay Vice Ganda para himukin siyang kumandidato sa pagkapangulo, bagay na sinagot naman ng komedyante, TV host, at aktor.

"In fact, na-message ko na siya. 'Hindi pa ako sapat,' sagot niya. Kaya lalo akong nakumbinsi na puwede siya. 'Yun lang umaamin na hindi siya sapat ang may kasapatan na maglingkod sa bayan dahil hindi niya iisipin na siya lang ang magliligtas sa bayan."

Tsika at Intriga

'Di nila gets ang pressure!' Mikee Quintos, inungkat 'pabigat' issue sa group work noong college

"Dapat ibinibigay ang kapangyarihan sa mga hindi interesado sa kapangyarihan. Gusto ninyo ng out of the box? Si Vice," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Jerry Grácio/FB

Sa isa pang Facebook post, inihalintulad ni Gracio si Vice Ganda sa pangulo ng Ukraine na si "Volodymyr Zelenskyy." Giit niya, kung sakali raw na manalong pangulo, hindi naman daw si Meme Vice ang unang pangulong komedyante.

"Komedyante si Vice Ganda, paano siya magiging presidente? Pero komedyante rin sa TV ang Presidente ng Ukraine na si Volodymyr Zelenskyy na tumitindig ngayon sa giyera kontra Russia. Kung sakali, hindi si Vice Ganda ang unang komedyanteng presidente. Baka kailangan natin ng komedyante para pagaanin ang bigat ng ating mga buhay," aniya pa.

Photo courtesy: Screenshot from Jerry Grácio/FB

Giit pa niya sa isang post, "Naghahanap tayo palagi ng ideal na presidente. Pero mananatiling idea ang ideal na presidente kapag hindi siya nanalo. Ang kailangan ng bayan ngayon ay isang presidente na hindi corrupt, hindi politiko, hindi bahagi ng kahit anong politikal na dinastiya at hindi mangungutangan ng loob sa mga negosyante at trapo, kundi sa bayan mismo na magluluklok sa kanya. Gusto ninyo ng out of the box? Vice Ganda for President."

Photo courtesy: Screenshot from Jerry Grácio/FB

Ipinaliwanag din ni Gracio na kahit nagtrabaho siya sa ABS-CBN, hindi niya personal na kakilala si Vice Ganda.

"Hindi ko kilala nang personal si Vice Ganda, hindi ko siya nakatrabaho o nakausap, nasulyapan lang minsan sa ELJ Building. Ang unang interaction ko sa kanya ay nang mag-message siya sa akin para klaruhin ang isang Tweet ko tungkol sa kaibahan ng pag-ibig at pagmamahal. Gusto niyang maintindihan nang malinaw ang sinasabi ko."

"Walang politiko na pag-iisipan ang malalim na kahulugan ng pagmamahal at pag-ibig, o ang kaibahan nito. At sa kalagayan ng bayan ngayon, kailangan natin ng Presidente na nag-iisip nang malalim, ng mga kahulugan at kabuluhan, ng pagmamahal, ng pag-ibig. Gusto ninyo ng out of the box? Vice Ganda for President."

Samantala, matatandaang hindi lamang si Gracio ang nagsabing dapat ikampanya na si Vice Ganda bilang kandidato sa pagkapangulo.

Una nang nagsabi tungkol dito ang award-winning director na si Lav Diaz, kung gusto raw mabangga ang posibleng makalabang si VP Sara.

"Seryoso 'yan ha, seryoso, kasi napaka-bleak ng future ‘pag hindi natin mawasak ‘yong wall na ‘yon—‘yong 'Sara Duterte wall,' which is coming which is coming," anang direktor, sa podcast nina Direk Antoinette Jadaone at JP Habac na "Ang Walang Kwentang Podcast" na umere noong Setyembre 11, 2025.

“The nightmare is coming. It’s only two years away so we need to act. Gamitin natin ang pop culture to destroy that."

Anang Diaz, si Vice Ganda ang maituturing sa ngayon na may pinakamalakas na impluwensya pagdating sa pop culture. Isa pa, maganda rin daw ang mga pananaw ni Vice Ganda pagdating sa mga bagay-bagay, lalo't recently, laging nasusundutan ng komedyante-TV host ng isyung panlipunan at pampolitika ang mga hirit niya sa noontime show.

"Sino bang pinaka-icon sa pop culture ngayon? Vice Ganda. At maganda rin ang pananaw ni Vice. Gamitin natin, let’s use that. Kasi ‘yon na ‘yong labanan eh, mythologizing with making. Gano'n ang populist leaders eh," aniya pa.

Naniniwala si Diaz na kailangang i-educate ang masa sa tamang pagboto, at naniniwala siyang si Vice Ganda ang makagagawa nito.

Samantala, sa mga panayam sa kaniya, sinabi na ni Vice Ganda na hindi pa niya nakikita ang sariling pumapasok sa politika.

Kaugnay na Balita: 'Vice Ganda for President sa 2028,' kinakampanya na!